PUV Modernization, tuloy pero hindi minamadali

0
75

MAYNILA. Iginiit ng Malakanyang na magpapatuloy ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ngunit dapat itong ipatupad nang maingat at may sapat na suporta para sa mga maaapektuhang sektor.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ipinaliwanag ni Transportation Secretary Vince Dizon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kasalukuyang hamon, kabilang ang kakayahan ng mga jeepney drivers at operators na makasunod sa mga bagong regulasyon at gastusin.

“Napag-usapan po ‘yan, nilahad po niya kung anu-ano ang mga isyu kung agad itong ipapatupad,” sabi ni Castro. Kabilang sa mga tinukoy na isyu ang affordability ng mga loan payments at availability ng mga ruta, lalo na sa mga lugar na mababa ang presensya ng jeepneys.

Dagdag pa niya, “The government is also now considering tapping more manufacturers to help reduce the cost of modern units.” Sinabi rin ni Castro na tinanggap ng Pangulo ang mga rekomendasyon at nilinaw na dapat ang implementasyon ay maingat at patas.

Binigyang-diin ni Castro na kailangan munang tiyakin na handa, sinanay, at suportado ang mga drivers at operators, partikular sa pagbuo ng mga kooperatiba na magpapatakbo ng mga modernong jeepney units.

Bagaman kinikilala ang mga benepisyo ng PUV modernization para sa mas ligtas, episyente, at environment-friendly na transportasyon, patuloy pa rin ang pagtutol ng ilang transport groups dahil sa mataas na gastusin at mga alalahanin sa pagpapatupad.

“Tuloy pa rin po ang PUV modernization program, ihahanda lang po natin ang mga stakeholders dito,” ayon kay Castro.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.