QuadComm: Leonardo posibleng tumestigo sa drug war cash rewards

0
193

MAYNILA. Posibleng tumestigo si dating National Police Commission (Napolcom) commissioner Edilberto Leonardo kaugnay ng mga alegasyon ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma hinggil sa diumano ay pagbibigay ng cash reward para sa bawat mapapatay sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Nauna dito, sinabi ni Dan Fernandez, chairman ng House Committee on Public Order and Safety na “ang katotohanan ay susi talaga hindi lang sa kalayaan kundi pati na din sa pagbabago. Kaya tama na magpakatotoo kaysa usigin ka ng iyong kunsensya.”

Ayon kay Manila Rep. Bienvenido Abante, isa sa mga chairman ng apat na House committees na nag-iimbestiga sa war on drugs, nagpapakita si Leonardo ng intensyon na tumulong sa imbestigasyon. “We had an initial talk… He asked that we talk to him. Initially speaking, mayroon na siyang tinatawag na intensyon na, okay, sasabihin na niya ‘yung iba in detail,” sabi ni Abante patungkol kay Leonardo.

Si Leonardo ay nagbitiw sa kanyang posisyon sa Napolcom kasabay ng mga pagdinig sa isyu. Gayunpaman, nilinaw ni Abante na hindi pa tiyak ang testimonya ni Leonardo. “Although we are not sure about that. It’s up to him,” dagdag niya. Si Abante rin ang chairman ng House Committee on Human Rights.

Samantala, sinabi naman ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na ang testimonya ni Garma tungkol sa Davao model, kung saan may cash reward mula P20,000 hanggang P1 milyon para sa bawat mapapatay na drug personality depende sa kanilang profile, ay kailangang suportahan ng pahayag mula sa iba pang testigo. “Iniintay natin na merong mag-corroborate na ibang witnesses para nang sa ganun, magkaroon ng bigat yung kanyang revelation,” ani Barbers.

Hindi umano nangangahulugan na agad paniwalaan ang mga pahayag ni Garma. “Hindi naman ibig sabihin na kapag siya ay nag-reveal o nagbigay, nagsumite ng affidavit sa amin ay paniniwalaan natin [agad ng] 100%,” dagdag pa ni Barbers.

Nais din ng House Quad Committee na imbitahan ang ilang mga personalidad na binanggit ni Garma, kabilang sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Senador Ronald dela Rosa, at isang indibidwal na kilala bilang “Muking.” Sinabi ni Barbers, “We took note of all these names so that we will invite them in the next Quadcom hearings.”

Naghihintay ang komite ng karagdagang testimonya o ebidensyang makapagpapatibay sa mga alegasyon ni Garma upang magbigay-linaw sa usapin ng cash rewards sa drug war, na nananatiling isang kontrobersyal na isyu sa bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo