Quezon ang ‘pinakamatinding tinamaan’ ni ‘Karding’ ayon sa paunang assessment ng NDRRMC

0
431

Pinakamatinding tinamaan ng Super Typhoon Karding ang lalawigan ng Quezon, habang patuloy na nagsasagawa ng pagtatasa sa mga apektadong lugar ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

“Ongoing assessment tayo and of course we are looking at Quezon based sa initial report natin, umikot nga kami kanina with the President (Ferdinand Marcos Jr.) ano, tiningnan namin itong Nueva Ecija area at mukhang very minimal yung effect nung bagyo,” ayon kay NDRRMC spokesperson and Office of Civil Defense Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV sa Laging Handa briefing kanina.

Idinagdag ni Alejandro na naghihintay pa sila ng karagdagang ulat hinggil sa pinsala ng bagyo.

Ayon sa kanyang ulat ay inilikas na ng mga awtoridad ang 52,000 katao at may naiulat na mga nasawi sa Bulacan at nawawalang indibidwal sa Camarines Norte.

Gayunpaman, sinabi niya na nangangalap pa rin sila ng mga ulat sa mga insidenteng ito.

Sinabi rin ni Bernardo na nakatanggap ang NDRRMC ng mga ulat tungkol sa power interruption sa Quezon at Camarines gayundin sa mga paputol-putol na linya ng komunikasyon sa Quezon.

Sinabi rin ng tagapagsalita ng NDRRMC na humigit-kumulang 43 mga daungan ang nagsuspinde ng operasyon ngunit umaasa siyang magpapatuloy ito kapag naalis na ang mga signal ng bagyo.

Sinabi rin niya na nasa 2,882 na mga pasahero ang na-stranded sa Calabarzon, Mimaropa at Bicol regions sa ngayon at ang mga taong ito ay magpapatuloy sa kanilang paglalakbay sa sandaling payagan ng Coast Guard ang pagpapatuloy ng mga paglaot ng barko kapag bumuti ang kondisyon ng panahon. (PNA)

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.