MAYNILA— Patuloy na lumalapit sa Silangang Luzon ang Tropical Depression Ramil, na inaasahang magla-landfall sa umaga ng Linggo, Oktubre 19, ayon sa PAGASA.
Sa 5 a.m. Tropical Cyclone Bulletin nitong Biyernes, sinabi ng weather bureau na ang sentro ng bagyong Ramil ay tinatayang nasa 1,145 kilometro silangan ng Southeastern Luzon (14.4°N, 132.3°E).
Itinaas ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:
- Silangang bahagi ng Quezon (Tagkawayan)
- Camarines Norte
- Catanduanes
- Camarines Sur
- Albay
- Hilagang at silangang bahagi ng Sorsogon (Donsol, Pilar, Castilla, Lungsod ng Sorsogon, Gubat, Prieto Diaz, Casiguran, Barcelona, Bulusan)
Taglay ng bagyo ang maximum sustained winds na 45 km/h malapit sa gitna, gustiness na umaabot sa 55 km/h, at central pressure na 1004 hPa.
Ayon sa PAGASA, ang kasalukuyang galaw ng bagyo ay “west northwest slowly.”
May malalakas na hangin ang Ramil na umaabot hanggang 350 kilometro mula sa sentro.
Nauna nang sinabi ng PAGASA na magdadala ng maulap na kalangitan at mga pag-ulan ang Ramil at ng Easterlies sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at Visayas.
Ang trough ng Ramil ay magpapaulan sa Catanduanes, Albay, Sorsogon, Northern Samar, at Eastern Samar, na inaasahang makararanas ng cloudy skies with scattered rains and thunderstorms.
Samantala, apektado rin ng Easterlies ang Central Luzon, Southern Luzon, at Visayas, na posibleng makaranas ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan, at pagkulog-pagkidlat.
Kabilang sa mga lugar na apektado ang Metro Manila, CALABARZON, mainland Cagayan, Isabela, Bulacan, Aurora, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, ang natitirang bahagi ng Bicol Region, at buong Visayas.
Batay sa 12-hour forecast, inaasahang nasa 565 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes ang sentro ng bagyo pagsapit ng 2 p.m. ngayong Biyernes.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





