MAYNILA. Sinisimulan na ang proseso ng pagpapauwi sa Pilipinas ng tatlong Pinoy na nasawi dahil sa matinding pagbaha sa United Arab Emirates.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kinilala ang mga nasawi na sina Dante Español Casipong, Jennie Gamboa, at Marjorie Saquing.
Noong Abril 17, alas-6:00 ng gabi, nawalan ng kontrol ang driver ng shuttle service at nahulog ito sa sinkhole sa DWC – Al Maktoum International Airport. Dahil dito, nagkaroon ng multiple fracture si Casipong na agad na idineklarang patay habang sugatan naman ang dalawang kapwa Pinoy na pasahero.
Si Mark Louie Pimentel ay naoperahan matapos mabali ang kanyang binti. Sa kasalukuyan, nasa maayos na siyang kondisyon. Samantalang si Lydin Cambalon ay nasa pang kritikal na kalagayan at kamakailan lamang ay isinailalim sa operasyon.
Pinaniniwalaang namatay sa cardiac arrest ang magkasamang sina Gamboa at Saquing habang sakay ng shuttle service. Ito ay dahil umusok ang kanilang sasakyan sa gitna ng matinding trapiko sa Sharjah.
Ang OWWA ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa pamahalaan ng UAE at sa mga kamag-anak ng mga nasawing Pinoy upang matiyak na ang lahat ng kinakailangang pagsasaayos ay maisagawa para sa maayos na pagpapauwi ng mga labi ng mga biktima.
Sa pagdating ng mga labi ng mga nasawi, asahan na may masusing pag-aalaga at suporta mula sa mga ahensya ng gobyerno upang matulungan ang mga naulila sa kanilang pagluluksa at paglalakbay tungo sa kapanatagan ng kalooban, ayon pa rin sa OWWA.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo