MAYNILA. Nananatiling nakabinbin ang usapin kaugnay ng umano’y 30% komisyon ni Senador Joel Villanueva sa mga flood control projects sa Bulacan, habang hinihintay pa ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) ang tinutukoy na mga “resibo” o ebidensiya.
Ayon kay Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson, ang mga dokumentong ito ang magiging batayan upang higit na mapalakas ang mga batas laban sa korapsiyon at magsilbing gabay ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at mga ahensya gaya ng Ombudsman at Department of Justice (DOJ) sa pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot.
“Kailangan natin ng malinaw na resibo kung sakaling gagawa kami ng rekomendasyon o ipapasa sa Independent Commission for Infrastructure. ‘Yan ang magpapatibay sa alegasyon na nagbigay siya ng 30% commission,” ani Lacson.
Batay sa pagsusuri ng komite, natukoy na may walong flood control projects na nagkakahalaga ng tig-P75 milyon bawat isa ang isinama sa unprogrammed funds ng General Appropriations Act (GAA). Kabilang dito ang pagtatayo ng Bocaue River Flood Mitigation Structure sa mga barangay ng Bambang, Turo, Kaingin, at Bunlo; at Balagtas River Mitigation Structure sa mga barangay ng Santol, Dalig, at San Juan.
Sa kabuuan, umaabot sa P600 milyon ang halagang kaugnay ng mga proyektong ito na unang itinuro ng dating DPWH engineer na si Brice Hernandez kay Villanueva. Kinumpirma rin ni Lacson na mayroon pang P355 milyon na proyekto para sa Bulacan sa regular budget ng 2025 GAA.
Lumabas din sa imbestigasyon na may nailabas nang pondo para sa Phase 3 ng proyekto kahit nasa Phase 1 pa lamang ang aktwal na konstruksyon.
Sinabi ni Lacson na hihilingin niya kay Senate President Vicente Sotto III na payagang makalabas ng Senado, sa ilalim ng escort, si Hernandez upang makuha ang mga dokumento o “resibo” na magpapatunay sa kanyang pahayag. Tungkulin naman ng DOJ na mag-evaluate kung maaari itong magsilbing state witness.
Dagdag pa ni Lacson, kung walang ebidensiya ay mananatiling alegasyon ang usapin. Subalit kung may maiharap na dokumento sa susunod na pagdinig, maaari nang irekomenda sa ICI o Ombudsman ang pagsasampa ng kaso.
Giit ni Lacson, siya at si Sotto ay nakaposisyon na ngayon sa tinawag niyang “sagasa mode.”
“Napag-usapan namin ni Senate President ito. Sagasa na kami sa puntong ito ng aming political career. Basta may ebidensya, wala kaming sasantuhin,” ani Lacson.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






