Residente nakaalerto sa Mayon alert Level 4; 500+ sundalo handa sa evacuation

0
224

ALBAY, Philippines — Nakaalerto ang mga residente sa loob ng 7 hanggang 8 kilometrong extended danger zone ng Bulkang Mayon sakaling itaas ng PHIVOLCS ang alert status nito sa Alert Level 4, na nangangahulugang maaaring sumabog ang bulkan anumang oras at palawakin ang danger zone hanggang 10 kilometro o higit pa.

Naglagay na ng checkpoint sa Sto. Domingo, Albay upang agad na maabisuhan ang mga residente sakaling ipatupad ang Alert Level 4. Sa kasalukuyan, nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon matapos makapagtala ang PHIVOLCS ng pagtaas ng seismic energy at patuloy na paglabas ng pyroclastic density currents o “uson.” Ayon kay PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol, may posibilidad ng magma recharge sa bulkan at maaaring magpatuloy ang aktibidad tulad ng rockfall at uson.

Tinatayang 70,000 residente ang maaaring ilikas kung itataas ang alert status. Ayon kay Albay Governor Noel Rosal, naghahanda na ang lalawigan ng mga sasakyan at iba pang kagamitan para sa agarang paglikas ng mga apektadong mamamayan.

Kasabay nito, tiniyak ng 9th Infantry Division (9ID) ang patuloy na suporta sa publiko at lokal na pamahalaan. Sa isang press briefing, sinabi ni Brig. Gen. Ariel Reyes, assistant commander ng 9ID at pinuno ng Task Force Sagip, na mahigit 500 sundalo ang naka-deploy upang magbigay ng Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) sa mga apektadong bayan.

“Our HADR component of the 9ID is now focused on assisting the province of Albay regarding security and relief operations for affected municipalities with evacuations. Our 35 teams are assisting around 4,000-plus individuals. These are some of the mandates of Task Force Sagip,” ani Reyes.

Dagdag pa niya, handa ang 9ID na magdagdag ng tauhan sakaling itaas sa Alert Level 4 ang Mayon, at tiniyak ang suporta sa manpower, logistics, at transportasyon para sa mga LGU at Office of Civil Defense. Sa kabila ng nakatalagang disaster response, nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng militar laban sa insurgency sa mga hindi apektadong lugar.

Ang patuloy na pagmamatyag sa Mayon ay nagpapaalala sa publiko na maging handa at makinig sa mga abiso ng awtoridad upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.