ANTIPOLO CITY. Pumanaw na ang rider na biktima ng pamamaril sa insidente ng road rage sa Antipolo matapos ang ilang araw sa intensive care unit, ayon kay Antipolo Chief of Police Police Lt. Col. Ryan Manongdo.
Ayon sa ulat, ang biktima ay isa sa apat na tinamaan ng bala sa naturang insidente, kabilang ang dalawa pang rider at isang babae na napag-alamang live-in partner mismo ng suspek na aksidenteng nadamay.
Sa isang viral video, makikita ang mainit na sagutan na nauwi sa suntukan sa pagitan ng dalawang rider at isang drayber ng SUV—na kalaunan ay bumunot ng baril at namaril.
“Base sa imbestigasyon, nag-ugat ang insidente sa away-trapiko na nauwi sa pananakit at kalaunan, sa pamamaril,” ayon kay Lt. Col. Manongdo.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente, at kasalukuyang nakakulong ang suspek habang isinasaayos ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa kanya.
Para sa karagdagang balita, manatiling nakatutok sa aming website.

Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.