Rider na naghuramentado, pinagbabaril ng pulis

0
237

KAWIT, Cavite. Naghuramentado ang isang motorista sa loob ng Traffic Management Office (TMO) sa Kawit, Cavite makaraang ma-impound ang kanyang sasakyan na nauwi sa isang kritikal na insidente.

Ang biktima na kinilala lamang sa pangalang Lenjoe, ay kasalukuyang nasa ospital at binabantayan matapos tamaan ng dalawang bala sa dibdib at tuhod. Si Lenjoe ay naninirahan sa Brgy. Kanluran, Kawit, Cavite.

Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente bandang alas-7:05 ng gabi sa Kawit-TMO sa Zeus Junction, Brgy. Kanluran. Ayon sa mga awtoridad, lasing si Lenjoe at nagwawala nang pumasok ito sa TMO na may dalang jungle bolo.

Hinuli ng mga traffic enforcer si Lenjoe dahil sa paglabag sa batas trapiko, na nagresulta sa pag-impound ng kanyang motorsiklo. Posibleng ito ang naging sanhi ng pagkagalit ng suspek kaya naglasing at sumugod sa TMO.

Sa loob ng TMO, sinubukan umano ni Lenjoe na tagain ang mga pulis na sina PEMS Requioma at Patrolman Anonuevo gamit ang kanyang bitbit na bolo. Napilitan ang mga pulis na si Requioma na barilin ang suspek upang mapigilan ang pagsalakay nito.

Ang insidente ay patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad upang malaman ang kabuuang detalye ng pangyayari. Samantala, nananatili pa rin sa pagamutan si Lenjoe habang hinihintay ang kanyang paggaling.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.