Romualdez at Co, iimbitahan ng Senate Blue Ribbon; tangkang pag-deregister ng choppers ni Co, napigilan

0
231

MAYNILA — Iimbitahan ng Senate Blue Ribbon Committee si dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol party-list congressman Elizaldy “Zaldy” Co upang humarap sa susunod na pagdinig kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, chairman ng komite.

Ipinaliwanag ni Lacson na ang pag-anyaya sa dalawang dating kongresista ay magpapatunay na walang pinapanigan ang Blue Ribbon at hindi nito pinoprotektahan ang sinumang personalidad. “Panatilihin natin ang blindfold mentality, ibig sabihin, kung saan tayo dadalhin ng ebidensya ay doon tayo tutungo,” ani Lacson.

Ayon sa senador, si Co ay padadalhan ng invitation letter sa kanyang tirahan ngunit dahil nasa ibang bansa ito, tiyak umanong hindi makakadalo. Kaugnay nito, maglalabas ang komite ng subpoena laban kay Co. Kung hindi pa rin siya sisipot, ipapadala sa kanya ang show cause order at maaari nang isailalim sa contempt, na magreresulta sa pag-isyu ng warrant of arrest.

Samantala, ang imbitasyon para kay Romualdez ay idadaan sa kasalukuyang House Speaker Faustino Dy III bilang paggalang sa inter-parliamentary courtesy sa pagitan ng Senado at Kamara.

Dagdag ni Lacson, hinihintay pa ng komite ang ilang developments bago itakda ang petsa ng susunod na pagdinig. Tiniyak din niya na magpapatuloy ang imbestigasyon hangga’t may mga bagong impormasyong kailangang silipin.

Choppers ni Co, hindi naipa-deregister

Samantala, ibinunyag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na napigilan ng mga awtoridad ang umano’y tangka ng ilang kumpanyang konektado kay Co na i-deregister ang tatlong helikopter na nakarehistro sa kanilang pangalan.

Ayon kay Dizon, ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) mismo ang nakatuklas ng hakbang.
“Posibleng layunin ng pag-deregister na maipagbili ang mga chopper. Hindi kasi maipagbibili ang mga ito nang hindi muna naiaalis sa rehistro,” ani Dizon.

Sa ngayon, naglabas na ng kautusan ang CAAP na lahat ng air assets na natukoy na kaugnay sa mga kumpanya ni Co at ng kanyang kapatid na si Christopher Co ay hindi maaaring i-deregister.

Matatandaan na una nang hiniling ng DPWH sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang bilyong pisong halaga ng mga air asset na iniuugnay sa pamilya Co.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.