Romualdez, Co kasama sa flood control probe; bank accounts ng contractors pina-freeze

0
483

MAYNILA. Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi maliligtas sina House Speaker Martin Romualdez at dating House appropriations committee chair Rep. Zaldy Co (Ako Bicol party-list) sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.

“Well there’s no other way to do it: They will not be spared,” pahayag ng Pangulo sa isang press briefing sa Malacañang noong Setyembre 15.

Ayon kay Marcos, malinaw ang direktiba niya na walang exempted sa gagawing pagsisiyasat ng Independent Commission for Infrastructure hinggil sa mga alegasyon ng anomalya at budget insertions sa flood control projects noong nakaraang taon. Si Romualdez, pinsan ng pangulo at kasalukuyang pinuno ng Kamara, at si Co, dating chairman ng House appropriations committee, ay kapwa iniuugnay sa mga kontrobersyal na pondo para sa mga nasabing proyekto.

Kasabay nito, inanunsiyo ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na ipinag-utos ng Court of Appeals (CA) ang pag-freeze sa assets ng ilang indibidwal at korporasyon na sangkot umano sa mga anomalya.

Sa isang pulong balitaan sa Maynila, sinabi ni AMLC Executive Director Atty. Matthew David na sakop ng freeze order ang 135 bank accounts at 27 insurance policies ng mga naturang indibidwal at korporasyon. Inaprubahan ito ng CA noong Setyembre 12, kasunod ng kahilingan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Hindi tinukoy ni David ang halaga ng mga bank accounts, ngunit binigyan ang mga bangko ng 24 oras upang magsumite ng ulat. Tumanggi rin siyang magbigay ng dagdag na detalye dahil sa confidentiality clause ng freeze order.

Matatandaang hiniling ng DPWH sa AMLC na isyuhan ng freeze order ang 26 indibidwal na sinampahan ng kasong graft sa Office of the Ombudsman. Kabilang dito sina dating DPWH OIC-Assistant Regional Director Henry Alcantara, dating OIC-District Engineer Brice Ericson Hernandez, dating OIC-Assistant District Engineer Jaypee Mendoza, Construction Section chief John Michael Ramos, at Ernesto Galang ng Planning and Design Section.

Kasama rin sa kinasuhan ang ilang contractors tulad nina Ma. Roma Angeline Rimando, Cezarah “Sarah” Rowena Discaya at Pacifico “Curlee” Discaya II ng St. Timothy Construction Corp.; Mark Allan Arevalo ng Wawao Builders; Sally Santos ng SYMS Construction Trading; at Robert Imperio ng IM Construction Corp.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.