MAYNILA — Iginiit ni dating House Speaker Martin Romualdez na malinis ang konsensya sa kabila ng alegasyon ni dating Ako-Bicol Partylist representative Zaldy Co na siya at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasa likod ng umano’y insertion ng P100 bilyon sa 2025 national budget.
Sa isang pahayag, sinabi ni Romualdez, “My conscience remains clear. Throughout this inquiry, no public official, contractor, or witness has pointed to any wrongdoing on my part.” Idinagdag niya na hindi niya nais magkomento sa alegasyon ni Co dahil hindi ito sinumpaan at wala itong bisa sa korte. Nauna nang pinasinungalingan ni Pangulong Marcos ang alegasyon.
Ayon kay Co, personal umano niyang inihahatid ang mga maleta na naglalaman ng pera kay Marcos at Romualdez. Subalit iginiit ni Romualdez na pinagkakatiwalaan niya ang Independent Commission on Infrastructure, Department of Justice at Ombudsman na patas at batay sa ebidensya ang pag-evaluate sa mga pahayag. “I remain ready to cooperate with any lawful process and I am confident that the truth will emerge through the proper institutions,” aniya.
Samantala, hinamon ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla si Co na bumalik sa bansa at personal na isumite ang kanyang salaysay kaugnay ng viral na pahayag sa social media. “Ginoong Co, umuwi na kayo, isumite ang inyong salaysay, sumailalim sa tamang proseso,” ani Remulla. Binigyang-diin ng Ombudsman na walang bisa ang mga pahayag ni Co kung hindi ito manunumpa at tinitiyak ng tanggapan ang proteksyon sa kanyang seguridad.
Ayon kay Remulla, nag-bypass si Co sa tamang proseso nang ilabas niya ang kanyang kuwento sa social media imbes na isumite ito sa Ombudsman. “At kung ang dahilan ng pag-iwas ay takot, malinaw naming sinasabi: handa po kaming magbigay ng proteksyon. Ang kaligtasan ng isang testigo ay mahalaga sa katotohanan na hinahanap natin,” dagdag niya.
Si Co ay nag-ulat na ayaw niyang bumalik sa bansa dahil sa umano’y death threat na natanggap niya kaugnay ng kanyang nalalaman sa budget insertions.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





