MAYNILA. Nagbitiw sa puwesto si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez noong Martes, Setyembre 17, sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian sa flood control projects at budget insertions sa ilalim ng kanyang liderato.
Si Romualdez, isang abogado mula sa University of the Philippines at pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay humarap sa plenaryo bandang 3:20 ng hapon para sa kanyang pamamaalam. “Leadership also demands that we confront the trials of the present. … The longer I stay, the heavier that burden grows — on me, on this House, and on the President I have always sought to support,” aniya.
Binigyang-diin niya na ang kanyang pagbibitiw ay hindi tanda ng pagsuko. “I step down not in surrender, but in service — for sometimes, the greatest act of leadership is the grace to let go, so that this institution may endure stronger than before,” pahayag niya. Dagdag pa ni Romualdez: “Masakit man sa akin, I am stepping aside so that the independent investigation may proceed freely — without pressure, without influence, and without fear. This is not surrender, but conscience.”
Ayon kay Romualdez, ang kanyang desisyon ay para maibalik ang tiwala ng publiko at matiyak ang “full accountability” at transparency sa gitna ng kontrobersya. “Mga minamahal kong kababayan, I leave this Chamber as I first entered it — a humble servant, ready to serve wherever duty may call,” aniya.
Nahalal bilang bagong Speaker si Isabela 6th District Rep. Faustino “Bojie” Dy III matapos makakuha ng 253 boto pabor, 28 abstain, at apat na hindi bumoto. Agad din siyang nanumpa sa plenaryo.
Samantala, malugod na tinanggap ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pagkakahalal kay Dy at tinawag itong isang “very good choice.” Umaasa siyang magkakaroon ng “excellent” na ugnayan ang Senado at Kamara, lalo na sa pagpasa ng 2026 national budget. “I’m sure he’s capable and it’ll be good for the House,” ani Sotto. Tiniyak din niya na magiging mas “clean” ang budget deliberations sa pamamagitan ng full live streaming sa mga pagdinig at bicameral sessions.
Pinuri rin ni dating Senate President Francis “Chiz” Escudero si Dy ngunit nagbabala laban sa “selective amnesia” ng Kongreso kaugnay ng mga nakaraang anomalya sa pondo. Ayon naman kay Senadora Imee Marcos, “sobrang bait” ni Dy at maaaring maging mahirap ang kanyang sitwasyon bilang Speaker: “Arguably the worst job in the world.”
Nagpatutsada rin si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kung ang pagbibitiw ni Romualdez ay “sign of guilt” kaugnay ng mga alegasyon. Una nang binanggit ng mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya ang pangalan ni Romualdez sa usapin ng komisyon, bagama’t nilinaw nilang wala silang direktang transaksyon sa kanya. Mariin itong itinanggi ni Romualdez at iginiit na tungkulin ng liderato na “confront the trials of the present” at ibalik ang tiwala ng publiko.
Si Romualdez, na nahalal bilang ika-24 na Speaker ng Kamara noong 2022, ay nanungkulan hanggang sa kanyang pagbibitiw ngayong Setyembre 17.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






