‘Ruta for Sale’ scheme, ibinulgar ng dating LTFRB executive assistant; DOTr at Malacañang kinondena ang alegasyon

0
292

Isiniwalat ng isang dating executive assistant sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga alegasyon ng katiwalian laban sa mga opisyal ng ahensya kaugnay sa “ruta for sale” scheme. Sa isang pulong balitaan noong Lunes, ibinunyag ni Jeffrey Tumbado, dating executive assistant ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III, ang hindi makatarungang sistema kung saan kailangang magbayad ang mga operator sa mga transport officials ng hanggang ₱5 milyon para makakuha ng ruta, prangkisa, at mga espesyal na permit, bukod sa iba pang mga benepisyo.

Ayon kay Tumbado, “Kapag ikaw ay operator, gusto mong makuha itong daan na ito lalo na sa probinsya, magre-request ka tapos kung gusto mong mapapasaiyo iyan kahit hindi pwede, hanapin mo ko tapos ayun na.” Sinabi niya na hindi lamang si Guadiz ang sangkot, kundi pati na rin ang iba pang matataas na opisyal mula sa Department of Transportation (DOTr) at Malacañang na nag-uutos na kolektahin ang pera mula sa mga operator.

Target ni Tumbado na maghain ng kaso laban sa mga opisyal ng LTFRB na sangkot sa katiwaliang ito, at ang transport group na Manibela ang magiging katuwang niya sa pag-aakusa. Binanggit din ni Tumbado na may mga ebidensya siya, kabilang ang mga screenshot ng mga text message at audio recording ng mga pag-uusap na may kaugnayan sa binabanggit niyang tiwaling gawain.

Ayon sa dating opisyal ng LTFRB, siya ay isang “middleman” para sa iskemang ito, at pati mga regional officials ng LTFRB ay may quota na ₱2 milyon na ibibigay sa central office.

Samantala, itinanggi ni Guadiz ang mga alegasyon sa isinagawang LTFRB news conference. Aniya, “Pero kung meron po hahaharapin po natin, malinis po ang ating kalooban.”

Sa kabilang banda, inihayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista na maglulunsad ang DOTr ng imbestigasyon hinggil sa isyung ito. Ani Bautista, “While we are already evaluating the alleged irregularities involving Chairman Guadiz, we also issued a notice to explain against Guadiz for him to shed light on the allegations.”

Manibela, naghahanda para sa transport strike laban sa katiwalian sa LTFRB

Sa bukod na balita, magkakasa ang transport group na Manibela ng nationwide transport strike simula Oktubre 16, bilang tugon sa mga alegasyon ng katiwalian sa loob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa isang pulong balitaan noong Lunes, iginiit ni Manibela chairperson Mar Valbuena ang pagtutol ng kanilang grupo sa diumano ay “ruta for sale” scheme na nangyayari sa LTFRB. Ayon kay Valbuena, “Dadalhin natin ang mga sasakyan natin sa harapan ng LTFRB main office, sa harapan ng DOTr (Department of Transportation) hanggang Malacañang. Doon na natin itatambak ang ating mga sasakyan kung ayaw nilang bigyan ng kabuhayan!”

Matatandaan na noong Marso 6, pinangunahan ng Manibela ang isang nationwide transport strike upang ipanawagan ang suspensyon ng mandatory jeepney franchise consolidation, na bahagi ng PUV Modernization Program ng gobyerno. Ang welga ay naging matagumpay, kaya’t inanunsyo ng LTFRB ang pagpapalawig ng deadline para sa konsolidasyon hanggang Disyembre 31.

Ang inaasahang transport strike ng Manibela ay naging bunga ng patuloy na pag-aalala ng transport operators hinggil sa mga isyung may kinalaman sa kanilang mga prangkisa at mga ruta.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo