Sa San Pablo, madaling makwenta kung may panalo ang kandidato

0
460

Kung magaling magtuos ang isang kandidato sa anumang posisyon na hinahangad sa darating na halalan, ngayon pa lang ay makukutuban na kung may pag asa bang manalo o pupulutin sa kangkungan

Paramihan ng boto anuman ang mangyari. Kahit iisa lang ang lamang ay panalo pa rin. Pwera recount. Magto-toss coin  kapag nagtabla ang boto.

May  80 barangay ang San Pablo na may humigit kumulang 300,000 populasyon at kung di namamali ay halos 150,000 rehistradong botante dito.

Ayon sa 2020 survey ng San Pablo City Population Office ay may 88,647 families at 69,407 households ang lungsod na ito. Mas malaking barangay mas maraming pamilya.

Paikot-ikutin man ay lumalamang na agad sa panalo ang mga kandidatong may maraming makokopong boto sa bawat pamilya at household ng San Pablo. Magti-tig-isa na lang sa bawat pamilya ay may 88K nang boto samantalang 69K naman kung sa dami ng household ibabatay! 

Maraming dapat pag usapan kung paano tatasahan ang tsansang manalo. 

Lubos bang kilala ng mga botante ang nanliligaw na kandidato? Nasa puso’t isipan ba siya ng mga ito sa nakalipas na mga panahon? Baguhan man o incumbent ay may mga tagapagtaguyod na ba sa bawat barangay, ito man ay ordinaryong mamamayan o mga opisyales ng konseho de barangay? Kahit sabihin pang non-partisan ang barangay ay hindi naman maiiwasan na may kanya-kanyang bitbit na kandidato ang mga ito? Kung isasama pa ang bilang ng  dating mga opisyales at mga magkakalaban sa pulitika na maaaring ngayo’y nagkakasundo sa iisang kandidato ay lalong makakaungos ang mapapaboran.

Napakalaking kalamangan ang nasa lapian ng kasalukuyang administrasyon. Dahil sa dalawang taon ng pandemyang Covid ay ang mga target na pamilya at sambahayan ay nakatanggap ng mga ayuda mula sa local at national government. Bukod pa dito ang mga personal na tulong ng mga incumbent. Hindi pa kasali ang matatagumpay na mass vaccination laban sa Covid-19. Pati mga nasa pribadong sektor at religious group ay nakiisa rin dito na lalong nagpa tingkad sa tagumpay ng mga nakaupo. Marami pang mga kadahilanan kung bakit liyamado ang mga kasalukuyang namumuno.

Totoong taumbayan ang magpapasya kung sino nga ba ang mga karapatdapat na mapaluklok sa katungkulan. Kaya ngayon pa lang ay mabuting kwentahin na at bilangin ang  botong makukuha sa bawat pamilya at sambahayan ng lungsod ng Pitong Lawa.

Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.