Sako ng hinihinalang mga buto ng tao, narekober sa Taal Lake

0
309

MAYNILA. Pormal nang sinimulan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang search and retrieval operations sa Taal Lake, kung saan umano itinapon ang ilang nawawalang sabungero. Sa isinagawang operasyon kahapon, isang sako na naglalaman ng hinihinalang mga buto ang natagpuan.

Ayon kay Police Col. Geovanny Emerick Sibalo, provincial director ng Batangas Police, nadiskubre ang sako may 10 metro ang layo mula sa dalampasigan. Hindi pa matukoy kung buto ng tao ang laman nito, at agad itong itinurnover sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa forensic examination.

Madaling araw pa lamang kanina, dinala na ng PCG ang kanilang mga kagamitan sa operasyon, kabilang ang diving suits, oxygen tanks, cadaver bags, first aid kits, life rings, rigid hull inflatable boats, at rubber boats. Ang mga ito ay ibinaba sa coast guard substation at inilipat sa fishport na nagsilbing staging area.

Ayon kay PCG Spokesperson Captain Noemi Cayabyab, nagsimula ang operasyon sa lake mapping at site assessment sa tinaguriang “ground zero,” isang fishpond area na may kaugnayan umano sa isa sa mga suspek. Ginamit din sa operasyon ang unmanned aerial vehicles (UAVs) at remotely operated vehicles (ROVs) o underwater drones.

Ang seguridad sa paligid ng Taal Lake at ilang bahagi ng Laguna ay pinangangalagaan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG). Dagdag pa rito, tumulong din ang Philippine Navy sa operasyon sa pamamagitan ng kanilang divers mula sa Naval Special Operations Command (NAVSCOM).

“Taal Lake ang isa sa pinakamalalim na lawa sa Pilipinas. Umaabot ito sa 170 hanggang 200 metro ang lalim. Dahil sa aktibidad ng bulkan, isusuri muna ito gamit ang unmanned drones bago magpadala ng technical divers,” pahayag ni Navy Spokesperson Captain Percie Alcos.

Tatlong team ng divers o kabuuang 12 katao ang ide-deploy ng Philippine Navy, may kakayahang sumisid hanggang 94 metro ang lalim habang gumagamit din ng underwater drone.

Matatandaang isiniwalat ng akusadong si Julie Patidongan na ang mga nawawalang sabungero ay itinapon umano sa Taal Lake. Sinangkot din niya sa krimen ang negosyanteng si Atong Ang at ang aktres na si Gretchen Barretto, na kapwa mariing itinanggi ang alegasyon.

Ayon sa mga awtoridad, ang pinakamalalim na bahagi ng Taal Lake ay umaabot ng 198 metro, katumbas ng isang 60-palapag na gusali. Isa sa mga hamon sa operasyon ay ang pabago-bagong lagay ng panahon, malakas na current ng tubig, at ang banta ng pag-aalboroto ng bulkan.

Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi lamang 34 kundi maaaring hanggang 100 sabungero ang nawawala at posibleng itinapon sa Taal Lake mula taong 2021 hanggang 2022.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.