Sala sa init, sala sa lamig: Isang pagsipat sa mga mali pero hayag

0
447

Maling mali pero hayag na hayag dahil baliktad na ang mundo nila. Merong taong siya na ang mali, siya pa ang may ganang magpaliwanag. Bandang huli kapag nako-corner na sa maling prinsipyo o maling batayan, maglalahong parang bula; ang mahalaga, makaloko siya ng kapwa na makikiayon na rin sa kanya. Iresponsableng pananalita ang nagawa ng isang Badoy at salamat naman sa aksyong motu propio ng Korte Suprema. Nung mabasa ko iyon, muli kong napagtanto na sumobra na talaga ang mga tao sa propaganda at kasabay nito, kulang naman sa pagtatanggol sa katotohananan at katwiran maliban sa mangilan-ngilang adbokasiya sa social media at pagsasampa ng kaso o pagrereklamo ng kalabisan. Aling kalabisan? Heto:

“If I kill this judge and I do so out of my political belief that all allies of the CPP NPA NDF must be killed because there is no difference in my mind between a member of the CPP NPA NDF and their friends, then please be lenient with me.” Bahagi ito ng naisulat ng dating tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Nagdesisyon lang naman ang isang mahusay na Judge Magdoza-Malagar ng pagkakaiba ng terorismo at rebelyon, kasabay ang patas na pagtingin na ang mga kinuwestiyong kasamaan ay walang mga elemento ng terorismo.

Ano ang nag udyok sa mga kagaya ni Badoy na magsalita nang ganoong kalala? Kasiyahan ba nila ang mapatay o madala sa bingit ng alanganin ang mga mapi-prinsipyong tao katulad ng huwes at asawa niyang lawyer-educator mula sa UP Cebu? Kaya sa tingin ko, ang mga katulad ni Badoy ay pakawala ng isa tao o grupo ng mga propagandista na malalim na ang nakuhang pakinabang para sa kanilang mga sarili kahit ito’y labag sa udyok ng katwiran at pakinabang ng mas nakararami. Mabuti naman at may pamatay-sunog ang Kataas-taasang Hukuman. Press briefer ng SC kahapon:

“Today, the Supreme Court En Banc tackled motu proprio possible actions in A.M. No. 22-09-16-SC (Re: Judge Marlo A. Magdoza-Malagar) regarding statements made by a certain Lorraine Badoy containing threats against Judge Marlo A. Magdoza-Malagar of the Manila Regional Trial Court, Branch 19.

“In   the   meantime,   the   Court   issued   the   following statement:

“‘The Court STERNLY WARNS those who continue to incite violence through social media and other means which endanger the lives of judges and their families, and that this SHALL LIKEWISE BE CONSIDERED A CONTEMPT OF THIS COURT and will be dealt with accordingly.’”

Matapos ang kalabisan, dumako naman tayo sa halimbawa ng kakulangan. Maraming pinauunlakang panayam ang pangulo ng Amerika na si Joe Biden. Kamakailan, parang wala nang katapusan ang mga tanong ng media na sinasagot naman ni Biden nang klaro, may paninindigan, may tapang ngunit kalkulado ang mga binibitawang salita – mga salitang responsable at madiplomasya sa mga isyung kinakaharap ng Amerika, NATO, at UN. Matatandaan natin ang kabaligtaran nito sa Pilipinas: Kulang na kulang ang pagpapahalaga ng winning presidential candidate Marcos Jr. sa mga lehitimong katanungan ng mga kagawad ng media sa kanya. Sa obserbasyon ng mga eksperto, nananatili ang kakulangan sa mga pagkakataong mapaunlakan ang mga mamamahayag na magtanong ng mga dapat itanong sa ngayo’y pangulo na ng Pilipinas at aktwal nang kumatawan sa mga Pilipino sa labas ng bansa. Sa kapangyarihan niya bilang punong ehekutibo, wala na siyang dapat ikatakot kung sakali mang magkamali siya sa mga itutugon niya sa mga tanong ng media.

Ang nangyayari tuloy, hindi masyadong natutugunan ang mga pangangailangan ng news-consuming public na dapat sana’y Palasyo ng Malacañang ang unang-unang magpupuno ng mga kakulangan sa impormasyon at paglilinaw. Sa madaling sabi, sala sa lamig sa media!

Kaya naman patuloy akong nagbibigay ng espasyo sa mga paksang pangkabataan sa kolum na ito dahil kritikal ang kanilang pag-uusisa o ang kawalan nito. Lagi kong nilalahad na marami silang pwedeng itanong tungkol sa golden era ng korupsyon, madugong rehimen, at dapang-dapang ekonomiya ng Pilipinas. Sila ang may sariwang kaisipan. Sila ang may kritikal na pag-iisip at may pagdadalawang-isip, huwag lang maisahan ng mga abusado sa pwesto. Dadaigin nila sa fact-checking skills ang mga matatanda sa pangkalahatan at ang kailangan lang ng mga matatanda ay maging sport sa bagay na ito para makatulong.

Kapag nagtanong tayo sa mga kabataan kung nag-aaral ba sila nang mabuti, ikasiya nawa natin ang sagot nilang tuwiran at hindi direkta kung meron din silang mga tanong sa gobyerno sapagkat nasa panahon na ng populism ang mundo. May naghahari-harian, may sumisira ng mga demokratikong institusyon, at may mga galamay para manatili sa pwesto, para tuloy ang pagpapakasasa, para malito at malinlang ang publiko sa tamang usapin. Mas kakaunti ang edukado, mas papabor ito sa mga mapagsamantala.

May kapaguran na rin ang mga matatanda na talakayin ang populism, samantalang laman naman ng mga usapin ng mga kabataan ang phenomenon na ito sa mga pormal na pagtitipon at pananaliksik. Dumarami ang populist leaders na gumagamit ng mga propagandang bumibighani ng mga emosyon, ng galit, o mga sentimientong pambayan pero umaatake ng mga lehitimong kapangyarihan ng mga institusyon. Pagwawatak-watakin nila ang mga mamamayan sa paggamit ng conspiracy at sobrang pang-iintriga kabilang ang paghahanap ng mga kaaway kahit na wala namang kaaway, at pagbabansag ng kung ano-ano sa mga hindi pumapanig sa kanila.

Mag-init sa mali, at huwag manlamig sa katwiran at katotohanan o paghahanap nito.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.