Salamat sa inyo, SPC vaccination team

0
163

Kung may dapat bigyan ng pagkilala’t pasasalamat sa isinasagawang paglilingkurang pagmadla lalu’t nasa pandemya ang bansa ay walang iba kungdi ang San Pablo City Vaccination Team ni Mayor Loreto ‘Amben’ Sahagun Amante.

Bukod sa mas nakilala ang San Pablo dahil sa kahusayang ipinapakita sa pagsasakatuparan ng Mass Vaccination Program laban sa Pandemyang Covid-19 ay naipapadama’t naipapakita sa buong bansa kung gaano kalaki ang puso ng bawat San Pableño sa pagtulong at pag alalay sa kapwa-taong  kagaya rin nating nagdurusa.

Dahil sa magandang pamamalakad ni Mayor Amante ay ang bawat miyembro ng Vaccination Team pati na rin ang mga nagsasakripisyong volunteers nito ay naibandera ang San Pablo upang maging una sa pagbabakuna sa Laguna.

Habang bumababa ang bilang ng kasong Covid-19 hindi lang sa Lungsod na ito mandin ay sa buong lalawigan ay sisingit at sisingit sa isipan ng lahat ang mabuting partisipasyong naiambag ng grupong ito.

Sa pagsang ayon ng Department of Health at Laguna Provincial Health Office sa naging Sisterhood ng San Pablo at Munisipyo ng Nagcarlan ay naibahagi rin ng lungsod ang kahusayan, kasipagan at dedikasyon ng ating vaccination team.

Sa loob lamang ng dalawang araw na pagbabakuna, October 10 at 13, ay humigit kumulang 4 na libong doses ng Covid-19 Vaccines ang naiturok ng pinagsanib na p’wersa ng San Pablo at Municipal Health Office ng Nagcarlan. Napakalaking tulong upang mapalapit sa hangad na 49,000 dapat maging fully vaccinated at marating ang herd immunity.

Maaaring sa darating na mga araw ay may mga kanugnog pang maliliit na bayan ang hihiling din sa atin mga bayani upang ang bakanteng oras dapat mailaan sa pamamahinga’t pag uwi sa mahal na kapamilya’y magugol na rin sa pagbabakuna?

Nakakatiyak na hindi tatanggihan ang kahilingan sapagkat nakasanayang maglingkod para sa kaligtasan ng kalusugan at buhay ng kapwa tao.

Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.