Salamat sa pag agapay, VG Karen

0
209

Konsehala pa lang si Karen Agapay ng San Pablo City ay kaagapay na ng Seven Lakes Press Corps (SLPC) ang butihing Bise-Gobernadora na ngayon ay Pangulo ng Asosasyon ng mga Vice-Governors ng Pilipinas. Kung maaari ngang maging kaanib sa SLPC ay matagal nang ginawa sapagkat napakalaki ang maiaambag niya bilang mahusay manunulat.

Bumabandera ngayon ang ating lungsod at nangunguna sa pagbabakuna sa buong Laguna. Tinalo ang mga mayayamang siyudad sa lalawigan kung mass vaccination program ang pag-uusapan. 

Ang kauna-unahang bakunahan na isinagawa sa lungsod ay sa San Pablo City District Hospital (PPL). 600 Doses ng Sinovac Vaccines ang natanggap noon at ang kalahati nito ay ginamit sa first dose ng health frontliners ng naturang pagamutan. Unang nakatanggap ng bakuna ay  ang kasalukuyang Chief of Hospital na si Dr. Edgar Palacol. Maituturing na naging bahagi na ito ng kasaysayan sapagkat hindi lamang si Palacol ang kauna-unahang naturukan na local official sa ating lungsod kundi sa buong probinsya.

Ang PPL ay nasa ilalim ng pamamahala at pag popondo ng Pamahalaang Lalawigan. Gobernador ang naghahanda ng taunang gugulin samantalang ang Sangguniang Panlalawigan  pinamumunuan ni Presiding Officer VG Agapay ang mag-aapruba. Nagkataon na gaya rin sa San Pablo ay may ‘Unity in Progress’ din ang Admin Gob Ramil dahil sa kanyang ‘Serbisyong Tama’ kaya’t laging namamayani ay pagkakaisa nina Hernandez at Sangguniang Panlalawigan ni Agapay.

Kakaunti ang dumarating na supply ng vaccine noong umpisa pa lang ng mass vaccination program. Ika nga’y pagalingan sa ‘gapangan’ ang nangyayari sa paghingi  sa Department of Health (DOH). Dito pumasok sa eksena ang husay ng isang Karen Agapay upang mas makinabang sa bakuna ang kanyang mga kababayan.

Sa pamamagitan ng  mga kilala at kasamahan sa panunungkulan ay nakiusap at humiing na bukod sa alokasyon ng vaccine para sa Lalawigan ng Laguna at madagdagan ang para sa San Pablo City General Hospital na siya namang nangyari. Bukod dito ay pinakiusapan din niya ang Gobernador at ang direktor ng Panlalawigan Pagamutan sa San Pablo City na makiisa sa LGU ng San Pablo City sa mass vaccination program. Kahit ang pagamutang ito ay isang Covid Hospital, ang PPL-San Pablo ang bukod tanging nagbakuna sa siyam na district hospital sa Laguna.  Kamakailan lang lumutang ang matagumpay na gawaing ito. At kailan lamang ay ginawa na rin ito sa ibang district Hospitals. 

Maaaring napapansin rin ng aming mga tagasubaybay ang maagap na nagpapabatid ng Laguna Covid-19 Update. Ang mga impormasyon at balitang ito ay dahil din sa pakikipag ugnayan ni VG Agapay sa SLPC. 

Napakarami pang dapat  sabihin sa  matahimik na pag agapay ni Karen sa San Pablo at SLPC subalit baka kulangin ang espasyo para dito. Panghuling masasabi ay salamat VG Karen sa’yong sapul na pag-AGAPAY!

Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.