Salome nananatiling malakas; Batanes nasa Signal No. 2 pa rin

0
261

MAYNILA —Nananatiling malakas ang Tropical Storm Salome habang tumatahak sa karagatan ng Sabtang, Batanes, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA na inilabas alas-5 ng madaling araw ng Huwebes.

Ayon sa ahensya, taglay ni Salome ang lakas ng hanging umaabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa sentro at bugso ng hangin na hanggang 90 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-timog timog-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Nananatili sa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 ang Batanes. Samantala, ang kanlurang bahagi ng Babuyan Islands (Calayan, Dalupiri, at Babuyan Islands) at hilagang-kanlurang bahagi ng Ilocos Norte (Bangui, Pagudpud, Burgos, Pasuquin, Bacarra, at Laoag City) ay nasa ilalim ng Signal No. 1.

Inaasahang makakaranas ng malalakas na pag-ulan ang Batanes hanggang Biyernes.

Ayon pa sa PAGASA, dumaraan ngayon si Salome malapit sa Batanes at inaasahang kikilos patimog-kanluran dahil sa impluwensiya ng high pressure area sa mainland China. Posibleng dumaan din ito malapit o sa ibabaw ng Babuyan Islands ngayong umaga at sa Ilocos Norte pagsapit ng tanghali o hapon.

Inaasahang unti-unting hihina ang bagyo at magiging remnant low pagsapit ng Biyernes.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo