Sampung tongits players, nasakote ng Laguna PNP

0
846

Sta. Cruz, Laguna. Patuloy na hinuhuli ng pulis ang mga umpukan ng tongits session kung kaya hindi na dapat ituring na dibersyon o libangan ang sugal na ito. 

Sa isinagawang anti illegal gambling operations sa nabanggit na bayan noong Sabado, sampung tongits players ang hinuli ng Los Baños Municipal Police Station (MPS) sa pamumuno ni Chief of Police PLTCOL Louie D. Dionglay.

Kabilang sa mga dinakip sa Purok 1, Brgy. Bayog, sa aktong nagsusugal ng tongits sina Olympio Basco, 63 anyos, Nicolas Macapua, 61; Mauro Macapua, 72; Estelita Mateo, 60; Imelda Ocho, 53;  at Wenceslao Tandang, 50.

Samantala sa Sta. Cruz, Laguna ng Santa Cruz Municipal (MPS) sa pangangasiwa ni Chief of Police PLTCOL Paterno Domondon Jr. inaresto din habang nagsusugal ng tongits sina Roberto Villaflores, 68 anyos, Edgar Tabios, 64; Gabriel Valdez Jr., 63 at Herminio Espiritu, 66 sa Sitio 3, Brgy. Bagumbayan, Santa Cruz, Laguna.

Nakumpiska sa mga naaresto ang mga set ng baraha na ginagamit sa tongits at mga perang pantaya.

Ang mga inaresto ay kasalukuyang nakapiit sa kani kanilang police station at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree (PD) 1602 sa Prosecutor’s Office.

“Ang Laguna PNP ay patuloy na nagsasagawa ng mga kampanya kontra iligal na sugal upang matiyak na matitigil na ito dito sa ating probinsya,” ayon kay  Laguna Acting Provincial Director  Police Colonel Rogarth B. Campo.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.