Majayjay, Laguna. Bumagsak ang 27 metrong San Isidro Bridge sa Brgy. San Isidro, bayang ito habang dumadaan ang isang trak ng buhangin.
Ayon sa report ni Majayjay Police Station Chief PCapt. Raffy Taduyo, ang dump truck ay bumabagtas sa kahabaan ng provincial road sa Brgy. San Isidro at ng makarating sa Atilo metal bridge ay bumagsak ito at kasamang nahulog ang trak sa Atilo river na may 80 metrong lalim.
Kabilang sa mga nasugatan sa nahulog na 12 wheeler truck sina Jieron Benlot, 34 anyos na driver ng trak at residente ng Purok Cabalantian, Bacolor Pampanga, Den Fernandez, 42 anyos, na residente ng Brgy. Sampalucan, Pagsanjan, Laguna; Noel Clemente, 44 anyos at Jeffry Pinin, 29 anyos, pawang mga residente ng San Nicolas, San Fernando, Pampanga.
Ang mga nasugatan ay isinugod sa Majayjay Medicare Hospital, ayon pa rin sa report.
Ang San Isidro Bridge sa Atilo River ay nagsisilbing pangunahing daan sa Majayjay patungong Sta. Cruz, Laguna.
Kevin Pamatmat
Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.