SAN PABLO CITY, Laguna — Ginawaran ng pagkilala ng lokal na pamahalaan ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa San Pablo matapos magpakita ng pambihirang kabayanihan sa gitna ng naganap na malaking sunog sa Tai Po District, Hong Kong noong Nobyembre 26, 2025.
Bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan, pinagkalooban si Rhodora ng ₱49,000 cash mula sa Square and Compass Club – Hong Kong, isang samahan ng mga taga-San Pablong Freemasons, sa pamamagitan ni Atty. Melchor Dizon. Bukod dito, iniabot ni Mayor Najie B. Gapangada ang tsekeng nagkakahalaga ng ₱50,000 at inianunsyo ang pagbibigay kay Rhodora ng bahay sa St. Barts Southville Heights, isang pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa Barangay San Bartolome, bilang pasasalamat at pagkilala sa kanyang kabayanihan.
Ang ginawa ni Rhodora ay tunay na sumasalamin sa diwa ng pagiging isang San Pableño, matapang, mapagmalasakit, at handang magsakripisyo para sa kapwa.
Si Rhodora Alcaraz, isang Filipino domestic worker na bagamat bagong dating pa lamang sa Hong Kong ay nakaranas ng trahedya sa kanyang ikalawang araw ng trabaho nang sumiklab ang sunog na tumupok ng ilang residential buildings sa Wang Fuk Court at pumatay ng higit sa 150 katao, kabilang ang isang kapwa OFW.
Ayon sa mga ulat, sa halip na tumakas, niyakap ni Alcaraz ang tatlong buwang sanggol na kanyang inaalagaan at ginamit ang sarili niyang katawan bilang panangga sa apoy at makapal na usok habang naghihintay ng rescue teams. Ang kanyang mabilis na pag‑iisip at matapang na pagkilos ay nagligtas sa buhay ng bata at ng ina nito.
Dahil sa kanyang malasakit at tapang, agad na nakatanggap si Alcaraz ng pagkilala mula sa iba’t ibang sektor. Sa Pilipinas, nagpadala ng suporta ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at personal siyang binisita kasama ng mga kinatawan ng Philippine Consulate General sa Hong Kong habang siya ay ginagamot.
Matapos ang kanyang paggaling, bumalik si Alcaraz sa Pilipinas kamakailan, kung saan siya ay sinalubong ng mga opisyal ng pamahalaan kasama na ang ilang kinatawan ng OWWA at iba pang opisyal noong kaniyang pagdating sa bansa. Ayon sa OWWA, ang kanyang pagbabalik ay inorganisa upang masiguro ang maayos at ligtas na pag‑uwi sa kanyang pamilya sa Laguna.
Bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan, nag‑bigay rin ang lokal na pamahalaan ng parangal at tulong pinansyal sa kaniyang pamilya. Ang kabayanihang ipinakita ni Alcaraz ay itinuturing na tunay na sumasalamin sa diwa ng pagiging mapagmalasakit at matapang na San Pableño.Ang insidenteng ito ay hindi lamang nagpapakita ng isang bayani sa gitna ng trahedya, kundi nagiging paalala rin sa sakripisyo at dedikasyon ng mga OFW na nagtatrabaho sa ibang bansa upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Kasama rin sa larawan si Atty. Melchor Dizon, na dating humawak ng mahahalagang katungkulan sa Department of Labor bilang OIC-Director ng POEA Employment Regulation Branch, Labor Attache II sa DOLE – International Labor Affairs Bureau, Director IV sa POEA – Licensing and Regulation Office, at Mediator-Arbiter sa DOLE National Capital Region, bilang pagkilala sa kahalagahan ng suporta ng mga eksperto at opisyal sa pagpapahalaga at proteksyon sa mga OFW.


Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






