San Pablo CHO, nagbawas ng serbisyo, SPGH bubuksan na bukas

0
452

San Pablo City, Laguna. Pansamantalang nilimitahan ang mga serbisyong pampubliko ng San Pablo City Health Office (CHO) dito upang bigyang daan ang disinfection at quarantine ng mga idineklarang close contact sa nabanggit na tanggapan,  ayon sa public advisory Assistant City Health Officer Dr. Mercydina Caponpon kanina.

“At hanggang sa mga oras na ito ay naghihintay pa din ang aming tanggapan sa kabuuang resulta ng mga isinagawang eksaminasyon.  Dahil dito ay nagpapaabot kami ng isang pampublikong pabatid na ang aming operasyon sa Tanggapan ng Kalusugan na nasa Capitol Complex ay magiging limitado at ipaprioridad lamang sa mga pangunahing serbisyo gaya ng pag iisyu ng death certificate, health card, pag eksamin sa mga medicolegal na kaso at COVID response. Ito ay upang mabigyang daan ang disinfection at quarantine ng mga naideklarang close contacts. Gayundin, upang lubusang makasiguro sa kaligtasan ng aming magiging kliyente at kahalubilo, ” ayon kay Dr. Caponpon.

Nakapagtala ang nabanggit na tanggapan ng hindi inaasahang dami ng kaso ng Covid-19 infection sa mga empleyado at health workers nito batay sa isinagawang contact tracing noong Enero 15, 2022.

Humigit kumulang na 11 tauhan ng CHO ang nag positive sa antigen test habang kasalukuyang hinihintay ang resulta ng RT-PCR test, ayon sa report.

Samantala, muling magbubukas ang ER/Triage ng San Pablo City Hospital bukas, Enero 18, 2022, mula 6:00 ng umaga.

Ganun pa man, ang operating room/obstetrics ng nabanggit na ospital ay nananatiling pang emergency cases lamang.

Limitado pa rin ang diagnostic test na maaaring gawin ng laboratory dito, ayon sa advisory ng San Pablo City Information Office.

Nauna dito, ilang staff at health workers ng San Pablo General Hospital ang sumailalim sa quarantine at isolation matapos isagawa ang case investigations at contact tracing sa mga tauhan nito.

Humihingi ng paumanhin si SPGH CHief of Hospital Dr. James Lee Ho sa pansamantalang limitadong health services na naibibigay ng nabanggit na ospital.

“Lubos na hinihingi ang inyong pang-unawa habang hindi pa kumpleto ang hanay ng mga frontliners na nagbabalik at nakarekober mula sa kanilang naging karamdaman. Asahan po ninyo na bagamat limitado pa ang serbisyong pangkalusugan, ibibigay po namin ang aming makakaya upang kayo ay mapaglingkuran,” ayon kay Dr. Lee Ho.

Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.