San Pablo City, itinatag bilang Green Economic Zone sa unang 100 araw ni Mayor Najie Gapangada

0
885

SAN PABLO CITY — Ginanap ngayong umaga sa San Pablo City Convention Center ang ika-100 araw ng pamumuno ni Mayor Najie B. Gapangada Jr. bilang Punong Lungsod, tampok ang mga pangunahing nagawa ng administrasyong “Bagong San Pablo.”

Dumalo sa pagtitipon ang mga pinuno at kawani ng lokal na pamahalaan, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Vice Mayor Justin Colago, mga kinatawan ng business sector, investors, at mga non-government organizations (NGOs).

Sa kanyang ulat, binigyang-diin ni Mayor Gapangada ang mga inisyatibang naglalayong pasiglahin ang ekonomiya, pagbutihin ang serbisyo publiko, at itaguyod ang mabuting pamamahala sa lungsod.

Isa sa mga tampok na proyekto ay ang positibong global marketing sa pamamagitan ng Guinness World Record sa sabay-sabay na pagtatanim ng mga punla ng niyog sa loob ng 15 minuto. Ayon kay Mayor Gapangada, ito ay “isang malikhaing estratehiya na sumasagisag sa Bagong San Pablo,” at magiging simula ng tatlong taong programa para sa muling pagpapaunlad ng industriya ng niyog.

Sa larangan ng ekonomiya, sinimulan na rin ang pagbuo ng Agro-Industrial Economic Zone upang maipuwesto ang San Pablo bilang Green Economic Zone ng Timog Luzon at maging “Mega City of the South.” Naisumite na sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang proposal, at nakatakdang talakayin ng Board of Directors sa Oktubre 28. Kapag naaprubahan, ihaharap ito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa deklarasyon bilang special economic zone.

Kasabay nito, inihayag din na nakatakdang magtayo ng sariling economic zone ang Villa Escudero sa 300 ektaryang bahagi ng San Pablo, habang isang industrial zone naman ang nauna nang itinatag ng negosyanteng si G. Dadz Serviento.

Bahagi ng agresibong kampanya sa mga investors, iniulat ni Mayor Gapangada nakipagpulong na siya sa ilang malalaking negosyante kabilang sina Manuel V. Pangilinan, Lance Gokongwei, Ramon S. Ang, at mga kinatawan ng VinGroup mula sa Viet Nam. Inaasahang magsisimula ang kanilang mga investment sa lungsod sa susunod na dalawang taon.

Ipinahayag din ni Mayor Gapangada ang mga panukalang ordinansa para sa mga mahihirap, kabilang ang ₱50 araw-araw na tulong-pamasaheng programa para sa mga mag-aaral sa pampublikong elementarya, pinalawak na inclusive scholarship, ₱1,000 buwanang allowance para sa mga Persons with Disability (PWD), at exemption sa MTOP/franchise renewal fee para sa mga rehistradong tricycle operators sa taong 2026.

Sa kalinisan at kaayusan, nagpapatuloy ang rehabilitasyon ng pamilihang bayan, pagpapahusay sa koleksyon ng basura, at pagpapatupad ng mga batas-trapiko upang maibsan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Sa serbisyong pangkalusugan, pinapalakas ng lungsod ang operasyon ng San Pablo City General Hospital sa pamamagitan ng karagdagang doktor, nars, at mga modernong pasilidad. Ang City Health Office naman ay nagpapatupad ng mga kampanya laban sa nakahahawang sakit at nagbibigay ng libreng reseta at gamot sa mga mahihirap.

Bilang bahagi ng programang “Nasa Barangay ang Gobyerno” (NBG), dinala ng lokal na pamahalaan ang mga serbisyo direkta sa 24 barangay sa unang 100 araw. Ayon sa alkalde, sa mas malaking pondo sa 2026 ay makararating ang NBG sa lahat ng barangay sa lungsod.

Isa rin sa mga layunin ni Mayor Gapangada ang gawing “KFC – Kotong Free City” ang San Pablo. “Bawal magnegosyo sa City Hall ang mga kapamilya ni Mayor Najie; bukas ang mga bidding sa construction at supplies; walang kinikilingang bidder; at deretso sa mga kompanya ang pagbili ng gamot upang mapababa ang presyo,” aniya.

Sa ilalim ng good governance, tinanggal ng administrasyon ang humigit-kumulang 300 ghost employees, ipinagbawal ang nepotismo sa City Hall, at pinatibay ang koordinasyon sa pagitan ng mga departamento sa pamamagitan ng regular na pagpupulong.

Tinapos ni Mayor Gapangada ang kanyang ulat sa panawagang ipagpatuloy ang “serbisyong walang pahinga” para sa mga mamamayan ng San Pablo.

“Ang pamunuan ni Mayor Najie ay patuloy naglilingkod, bumabalikat, nagmamalasakit at gumagawa ng may malinaw na direksyon. Hindi natatapos sa 100 araw ang masigasig na paglilingkod ng walang patid o pahinga,” ayon sa ulat.

Dumalo sa pagtitipon ang mga pinuno at kawani ng lokal na pamahalaan, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Vice Mayor Justin Colago.
Tinapos ni Mayor Gapangada ang kanyang ulat sa panawagang ipagpatuloy ang “serbisyong walang pahinga” para sa mga mamamayan ng San Pablo.
Dumalo sa pagtitipon ang mga pinuno at kawani ng lokal na pamahalaan at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod.
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.