San Pablo City naglabas ng earthquake advisory; Gov. Aragones ipinagtanggol ang class suspension sa Laguna

0
324

LAGUNA — Naglabas ang Pamahalaang Lungsod ng San Pablo, sa pangunguna ni Mayor Najie Gapangada at ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa pamumuno ni Arvin Carandang, ng Earthquake Safety Advisory bilang bahagi ng kampanya para sa kaligtasan at kahandaan sa lindol, kasunod ng malalakas na pagyanig na naranasan sa Cebu City, Davao, Baguio, at ilang bayan sa hilagang Luzon.

Sa advisory, pinaalalahanan ang mga residente na manatiling kalmado, sumunod sa tamang earthquake protocol, at ihanda ang kani-kanilang emergency go bags bilang bahagi ng personal na kahandaan.

Ayon sa CDRRMO, narito ang mga paalala kapag may lindol: Duck, Cover, and Hold – yumuko, magtago sa ilalim ng matibay na mesa o upuan, at humawak hanggang sa tumigil ang pagyanig; iwasang lumabas habang malakas pa ang lindol; lumayo sa mga bintana at estante; at matapos ang pagyanig, mag-ingat sa aftershocks at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan.

Binibigyang-diin din ng CDRRMO ang kahalagahan ng pagkakaroon ng go bag o emergency kit, na dapat laging nakahanda at madaling makuha sa oras ng kalamidad. Kabilang sa mga mahahalagang laman nito ang inuming tubig, ready-to-eat food, first aid kit, flashlight at baterya o power bank, identification cards at mahahalagang dokumento, damit at kumot, at personal hygiene items gaya ng face mask, alcohol, tissue, at sabon.

Pinayuhan din ang mga paaralan, opisina, at barangay na magsagawa ng regular earthquake drills at siguraduhing ligtas at matatag ang mga gusali.

Ayon sa Phivolcs, wala pang naiulat na malawakang pinsala sa San Pablo, ngunit nananatiling naka-alerto ang mga rescue team at emergency response unit ng lungsod bilang bahagi ng kanilang preparedness mission.

Samantala, ipinagtanggol ni Governor Sol Aragones ang kanyang desisyon na suspindihin ang mga klase sa buong Laguna at ipatupad muna ang online learning kasunod ng mga pagyanig at banta ng aftershocks.

Sa kabila ng mga puna at batikos sa social media, iginiit ng gobernador na ang kaligtasan ng mga estudyante at guro ang dapat unahin.

“Mas mahalaga ang buhay kaysa anumang aralin. Ang mga naantalang klase ay maaaring mapunan, pero ang buhay, hindi,” pahayag ni Aragones.

Ayon sa gobernador, layunin ng preventive suspension na mabigyan ng panahon ang mga paaralan upang masuri ang kaligtasan ng mga gusali bago ipagpatuloy ang face-to-face classes.

Nagpaalala rin si Aragones sa mga lokal na opisyal at paaralan na manatiling alerto at makipag-ugnayan sa kanilang Disaster Risk Reduction and Management Offices para sa anumang abiso o koordinasyon sa oras ng emerhensiya.

“Mas mabuti nang sobra ang paghahanda kaysa kulang sa aksyon. Ang buhay ng bawat Lagunense ang ating pangunahing responsibilidad,” dagdag ng gobernador.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.