San Pablo City paiigtingin ang serbisyong pangkalusugan; SPCGH, ire-rehab

0
1267

SAN PABLO CITY. Buo ang suporta ng bagong administrasyon ni Mayor Najie Gapangada sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa lungsod, kabilang ang rehabilitasyon ng San Pablo General Hospital at pagpapatupad ng mga pangunahing programa ng Department of Health (DOH).

Ito ang inihayag sa kauna-unahang opisyal na press conference ng bagong liderato na isinagawa sa pangunguna ng City Information Officer na si Rolly Inciong.

Dumalo sa nasabing aktibidad sina Dr. Rene Bagamasbad, bagong City Health Officer, at Dr. Tagumpay “Taggie” Felismino, bagong Chief of Clinics ng San Pablo General Hospital.

Si Dr. Bagamasbad ay kilala sa kanyang mahabang karera sa public health, kabilang ang kanyang panunungkulan bilang Provincial Health Officer ng Laguna sa gitna ng COVID-19 pandemic. Sa kanyang pagbabalik sa serbisyo sa lungsod, sinabi niyang pangunahing tututukan ng kanyang tanggapan ang pagpapatupad ng mga DOH program tulad ng rabies prevention.

“Ipatutupad natin ang cost-sharing scheme kung saan ang pamahalaan ay sasagot sa kalahati ng gastos sa gamutan ng nakagat, habang ang natitirang bahagi ay sagot ng may-ari ng hayop,” ani Bagamasbad. “Responsibilidad ng bawat pet owner na siguraduhing ligtas at bakunado ang kanilang alaga.”

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng disiplina sa komunidad upang maiwasan ang mga insidente ng rabies, alinsunod sa Republic Act 9482 o Anti-Rabies Act of 2007.

Samantala, inilahad ni Dr. Felismino ang mga plano para sa rehabilitasyon ng ospital. Si Felismino ay dati ring nagsilbi bilang Provincial Health Officer ng Quirino Province at may malawak na karanasan sa pagpapatakbo ng mga pampublikong ospital.

Ayon sa kanya, kasalukuyang nakikipag-ugnayan na ang lungsod sa kilalang arkitekto at urban planner na si Jun Palafox para sa disenyo at pagsasaayos ng ospital upang makamit ang DOH standards at makuha ang kinakailangang Permit to Operate.

“Hindi lang ito simpleng renovation,” aniya. “Layunin nating iangat ang kalidad ng serbisyo medikal sa lungsod sa pamamagitan ng modernisasyon ng mga pasilidad. Sa kasalukuyan, inuuna nating i-level up ang laboratory services ng San Pablo General Hospital upang matiyak ang mas mabilis, mas maaasahan, at mas kumpletong diagnostic procedures para sa mga pasyente.”

Dagdag pa ni Dr. Bagamasbad, lalawakan din ang mga community-based health programs tulad ng pagbabakuna, health education, at kampanya kontra malnutrisyon.

Buo naman ang suporta ni Mayor Gapangada sa mga hakbang. Aniya, “Ang kalusugan ay hindi puwedeng isantabi. Isa ito sa mga pangunahing prayoridad ng ating administrasyon, mula ospital hanggang barangay.”

Binanggit din ng alkalde na ang rehabilitasyon ng ospital ay bahagi ng mas malawak na plano para sa pagpapaunlad ng lungsod, kabilang ang pagtatayo ng mga eco-parks at livelihood zones upang makalikha ng mas maraming kabuhayan para sa mga residente.

Ayon kay City Information Officer Rolly Inciong, ang press conference ay unang hakbang ng bagong administrasyon tungo sa isang pamahalaang bukas, makatao, at may malasakit sa kalusugan ng bawat San Pableño.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.