MAYNILA — Inakusahan ni dating Ako Bicol Representative Zaldy Co si Presidential Son at House Majority Floor Leader Sandro Marcos na nakinabang umano sa P50.938 bilyong ‘singit’ o insertion sa pambansang budget sa nakalipas na tatlong taon.
Sa isang video na inilabas nitong Martes, sinabi ni Co na “Hindi lang po ang Pangulo ang may insertion sa budget. Pati po si Congressman Sandro Marcos, meron din pong pinapasok taun-taon.”
Ayon sa alegasyon, noong 2023 ay nakasisingit si Sandro ng P9.636 bilyon, P20.174 bilyon noong 2024, at P21.127 bilyon ngayong 2025, na nagkakaltas sa kabuuang P50.938 bilyon sa General Appropriations Act o pambansang pondo.
Una nang inakusahan ni Co si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may P100 bilyong insertions sa budget na inilaan sa flood control projects. Idinagdag ni Co na pinagbantaan siya ni Sandro na tatanggalin sa puwesto at sasampahan ng kaso kung hindi mapapasama ang P8 bilyong proyekto sa national budget. “Ang dahilan daw, may mga contractor na nakapag-advance na sa kanya at dahil hindi naipasok ang buong halaga, kailangan daw niyang magsauli sa mga ’yon,” ani Co, na itinanggi naman ni Sandro.
Kaugnay nito, binansagan ni Sandro Marcos si Co bilang “newly crowned champion ng mga DDS (Duterte Diehard Supporters) na nagtatago sa ibang bansa para magpakalat ng kasinungalingan.” Sinabi ni Sandro na si Co mismo ang arkitekto ng katiwalian ngunit patuloy na nang-iinsulto at nagpapalusot na walang napakinabangan o nakuhang pondo.
“Ang hangarin ni Co ay pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon upang maabsuwelto ang sarili. Ang ginagawa niya ay hindi rebelasyon kundi destabilisasyon,” pahayag ni Sandro, na idinagdag na ang mga alegasyon ni Co ay walang kredibilidad at bahagi lamang ng agenda nito upang makaligtas sa kasong kriminal kaugnay ng anomalya sa flood control projects.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






