Seaman na miyembro ng LGBT community, pinatay sa coffee farm

0
622

TAGAYTAY CITY, Cavite.  Natagpuang patay ang isang seaman na pinaniniwalaang miyembro ng LGBT community na tadtad ng saksak sa isang madamong bahagi ng coffee farm sa may Pung-Ol Road, Barangay Patutong Malaki North, Tagaytay City, Cavite noong Sabado.

Kinilala ng mga tauhan ng Tagaytay City Police Station ang biktima na si Gilbert Naparate Tonelete, 53 anyos, isang overseas Filipino worker at residente ng Tierra Nevada Subdivision, General Trias City, Cavite.

Ayon kay Col. Christopher Olazo, Cavite Provincial Police director, natagpuan ang naaagnas ng bangkay ni Tonelete na tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nadiskubre ng mga residente at mga taong nagmamasid sa lugar ang bangkay ni Tonelete matapos nilang ireklamo ang nakakasulasok na amoy na nagmumula sa nasabing farm noong Sabado.

Huling nakitang kasama ni Tonelete ang isa sa dalawang caretaker ng farm na si Jared Lao Arandela, 18 anyos, tubong Passi Iloilo, nang magtungo sila sa coffee farm sa Tagaytay City noong Hunyo 28. Mula noon ay hindi na bumalik si Tonelete sa kanilang bahay.

Nakita rin ng mga awtoridad ang kotse ni Tonelete, isang puting Ford Ecosport na may nakakabit na high-resolution dash camera. Ang sasakyan ay narekober sa layong 500 metro mula sa pinangyarihan ng krimen.

Sa pagsusuri ng memory card ng narekober na dashcam, natukoy ng pulisya ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Tonelete na si Arandela at ang kasamahan niyang si Eduardo Dominguez Jr.

Naaresto na si Arandela ng mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation sa Brgy. Sabang, Dasmariñas City, Cavite noong Linggo. Sinabi ni Col. Olazo na boluntaryo itong sumuko sa mga opisyal ng barangay matapos malaman na pinaghahanap siya ng police tracker team.

Umamin si Arandela sa krimen ng Tagaytay City Police. Ayon sa kanyang salaysay, nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo dahil sa nais ng biktima na makipagtalik sa kanya sa pamamagitan ng “anal sex”. Dahil sa galit, diumano ay pinagsasaksak niya ang biktima.

Kasalukuyang nagsagawa na ng manhunt operation ang pulisya upang arestuhin si Dominguez.

Tinitingnan rin ng mga imbestigador ang pahayag ni Arandela na isang bakla ang biktima upang matiyak ang katotohanan motibo sa likod krimen na iyon.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.