Search and rescue ops sa Cebu tinapos na; aftershocks umabot na sa 3,685

0
460

CEBU CITY — Itinigil na ng mga awtoridad ang search and rescue operations sa hilagang bahagi ng Cebu matapos ang 6.9 magnitude na lindol na tumama sa Bogo City at kalapit na mga lugar.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Spokesman Junie Castillo, wala nang naiulat na nawawalang residente batay sa ulat ng mga lokal na opisyal sa Incident Command Post. Natapos na rin ang paghahanap sa mga nasawi at nasugatan.

“Sa kasalukuyan ang prayoridad ay ang paglilinis ng mga debris sa mga kritikal na pasilidad at relief operations sa mga naapektuhang pamilya,” ani Castillo.

Kinumpirma rin ni PNP Public Information Office Chief P/Brig. Gen. Randulf Tuaño na tinapos na ng mga pulis ang search at retrieval operations noong Miyerkules ng gabi. “All accounted na ang mga nawawala partikular na sa Bogo City na pinakamatinding niyanig ng lindol,” wika niya.

Bilang ng aftershocks, patuloy na tumataas

Samantala, iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na umabot na sa 3,685 ang aftershocks mula nang tumama ang lindol. Sa 4 a.m. update nitong Biyernes, sinabi ng ahensya na 18 sa mga ito ang naramdaman, na may lakas mula magnitude 1.0 hanggang 5.1.

Ayon sa OCD, pumalo na sa 73 ang kabuuang bilang ng nasawi. Marami namang survivors ang napilitang matulog sa gilid ng kalsada at gumamit ng plastik bilang pantakip sa katawan dahil sa patuloy na banta ng aftershocks at mga gusaling posibleng gumuho.

Binigyang-diin ni PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol na asahan pa ang mga aftershocks sa mga susunod na araw o linggo.

“Inaasahan natin na magkakaroon pa ng mga aftershocks in the next few days. Sometimes the aftershocks would last for several weeks,” ani Bacolcol. “Habang tumatagal naman, bumababa ang number ng aftershocks natin, and humihina din yung magnitude.”

Pinayuhan din niya ang mga residente na magpakonsulta muna sa mga eksperto bago bumalik sa kanilang mga tahanan. “If there are visible damages sa mga istruktura kung saan sila nakatira, huwag muna silang pumasok,” aniya. “They have to consult their municipal or city engineers kasi kung hindi man ito totally na-damage during the main shock, baka ma-damage ito totally during a strong aftershock.”

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.