Segregation ng basura palalakasin sa San Pablo City

0
227

SAN PABLO CITY — Patuloy na isinusulong ng San Pablo City Solid Waste Management Office ang maayos, sistematiko, at epektibong pamamahala ng basura bilang bahagi ng kanilang commitment sa malinis at luntiang kapaligiran, batay sa City Ordinance No. 2003-15 at Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Simula Marso 2, ipinatupad sa 80 barangay ang mga hakbang upang masiguro ang tamang koleksyon at segregation ng basura:

  1. Mahigpit na pagsasagawa ng segregation – paghihiwalay ng nabubulok at hindi nabubulok, pati na rin ng mga recyclable materials.
  2. Pagbabawal ng pagtatapon ng hindi naka-segregate na basura sa landfill.
  3. Mahigpit na pagsunod sa schedule ng koleksyon: nabubulok – Lunes, Miyerkules, at Biyernes; hindi nabubulok – Martes, Huwebes, at Sabado.
  4. Aktibong paggamit ng Materials Recovery Facility/Station (MRF/MRS) upang maproseso at maibalik sa kapaki-pakinabang na gamit ang mga recyclable materials.
  5. Masusing pagrerekord gamit ang logbook para sa waste diversion at tracking ng mga recyclable items.
  6. Pinaigting na pagbabawal sa open burning at indiscriminate disposal, kasabay ng mahigpit na pagmamanman.

Ayon kay Konsehal Ariston A. Amante, Pangulo ng Liga ng mga Barangay, positibo ang naging tugon ng mga barangay sa panawagan ni Engr. Ryla A. Nunag, City Solid Waste Management Officer, upang magkaisa at makipagtulungan para sa matagumpay na implementasyon ng programa.

Nilalayon ng programa na mapanatili ang kalinisan ng kapaligiran, mabawasan ang polusyon, at maprotektahan ang kalusugan ng mga mamamayan, ayon kay Mayor Najie B. Gapangada. Pinapaigting din nito ang kamalayan sa kahalagahan ng tamang segregation ng basura, na mahalagang hakbang upang maibsan ang epekto ng solid waste sa lungsod at sa kapaligiran.

Sa kabila ng ilang hamon sa wastong pamamahala ng basura sa bansa, lalo na sa urban areas, itinuturing ang San Pablo City program bilang halimbawa ng responsableng lokal na pamahalaan na naglalayong itaguyod ang sustainable at eco-friendly na pamumuhay.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.