Selosong pulis binaril ng 8-anyos na anak, patay

0
437

SAGAY CITY. Nabaril at napatay ng kanyang 8-taong gulang na anak ang isang pulis matapos hindi makatiis sa pananakit sa kanyang ina dahil sa sobrang selos, sa isang insidente noong Sabado sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktima na si Police Staff Sgt. Lernie Alacha, 44-taong gulang, na naglilingkod sa Sagay City Police Station at residente ng Barangay Andres Bonifacio, Sagay City, Negros Occidental.

Batay sa ulat ng Sagay City Police Station, bandang 1:10 ng hapon nang mangyari ang trahedya sa loob ng tahanan ng mag-anak na Alacha.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng pagtatalo ang mag-live-in partner sa harap ng kanilang anak habang kumakain ng almusal. Pagkatapos, ang mag-asawa ay pumasok sa kanilang silid upang ituloy ang hindi nagtapos na hidwaan.

Bandang hapon na hindi pa tapos ang away ng mag asawa, nakita ng bata na sinasaktan ng kanyang ama ang kanyang ina kaya hinanap nito ang Glock 17 9mm caliber na service firearm ng ama at siyang ginamit upang barilin ang huli. Diumano ay pinigilan pa ito ng kanyang pinsan ngunit sinabing huwag makialam dahil problema ito ng kanilang pamilya.

Ayon sa pahayag ni Barangay Kagawad Victor Garcia Sr., bago nalagutan ng hininga ang ang biktima ay inabutan nila itong nakahiga sa sahig at may tama ng bala sa leeg. Humingi ito ng tulong na dalhin siya sa ospital dahil gusto pa niyang mabuhay. Nagbigay pa ito ng babala sa mga nakapaligid na mag-ingat dahil may baril ang anak at ito ang bumaril sa kanya.

Sa himpilan ng pulisya, isinalaysay ng ina na si Irene Dayanan, 33-anyos, na madalas nilang maranasang ang pananakit ng suspek. Ang pang-aabuso mula sa biktima ay dahil diumano sa pagiging sobrang pagiging selososo nito, ayon sa ina.

Ang batang suspek ay nasa pangangalaga ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) habang inihahanda sa intervention program sang-ayon sa Republic Act No. 9344.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.