MAYNILA — Tinanggap ni Senator Erwin Tulfo ang posisyon bilang acting chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Ibinahagi ni Sotto ang pahayag matapos ang caucus ng majority bloc kaugnay sa pagbibitiw ni Senator Panfilo Lacson bilang chairman ng komite.
Ayon kay Sotto, si Tulfo ang nararapat na pansamantalang humawak ng komite dahil siya ang vice chairman.
Sinabi rin ni Sotto na tumanggi ang limang senador na una niyang iminungkahing pumalit kay Lacson na sina Senators JV Ejercito, Raffy Tulfo, Risa Hontiveros, Francis Pangilinan, at Pia Cayetano.
Gayunman, nananatili pa ring “nominees” ang lima bilang posibleng maging susunod na chairman ng Blue Ribbon Committee, ayon kay Sotto.
“Oo, tinanggap niya. Sabi lang niya sa akin, ‘acting lang muna ha,’” ani Sotto, at iginiit na tanging pansamantalang tungkulin lamang ang gagampanan ni Tulfo.
Samantala, kaugnay sa pagkuwestiyon ni Senator Imee Marcos hinggil sa pagtigil ng pagdinig sa umano’y maanomalyang flood control projects, sinabi ni Sotto na dapat ay kausapin muna ni Marcos ang ilang kasamahan sa Senado na nagtatanong din sa naturang isyu.
“I think she better ask some of her colleagues… some of her colleagues are saying na ‘bakit naghe-hearing ay mayroong hearing ang ICI. Siguro sila-sila na lang muna ang mag-usap,” ani Sotto, tumutukoy sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na kasalukuyang nagsasagawa rin ng imbestigasyon.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






