Senado at Kamara pumayag sa lifestyle check

0
294

MAYNILA. Sumang-ayon ang ilang senador at kongresista na isailalim din sila sa lifestyle check, kasunod ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na simulan ang pagsisiyasat sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros, walang nakikitang problema kung ipag-utos ng liderato ng Senado at Kamara na lahat ng mambabatas ay sumailalim sa pagsusuri. “May legal na basehan dahil nagawa na po ito dati sa ilang mga sandali na naging napaka-sensitive sa publiko… kaming lahat na nagtatrabaho sa gobyerno ay nasa ilalim ng utos ng batas na to live simple lifestyles,” aniya.

Naniniwala naman si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III na dapat isama sa lifestyle check ang mga asawa ng opisyal ng gobyerno, habang sinabi ni Sen. Imee Marcos na “long overdue” na ang naturang hakbang at dapat mauna ang mga mambabatas. Giit ni Marcos, makikita sa social media ang mga luho ng ilang opisyal kaya’t dapat na itong busisiin.

Suportado rin sa Kamara ang inisyatiba ng Pangulo. Ayon kay House Public Accounts Committee Chair Terry Ridon, hindi dapat limitado sa isang ahensya ang lifestyle check kundi dapat sumaklaw sa lahat ng sangay ng pamahalaan, kabilang ang Kongreso at Hudikatura. “Kailangan naman po talagang all-encompassing,” aniya, at iginiit na dapat mamuhay nang simple at bukas sa publiko ang lahat ng opisyal.

Sa panig ni Manila Rep. Benny Abante, mahalaga na simulan ito sa DPWH ngunit bukas siya na isama ang lahat ng opisyal, maging sa hudikatura. Idinagdag ni CIBAC Rep. Eddie Villanueva na kritikal ang lifestyle check upang mapanumbalik ang tiwala at pananagutan sa pamahalaan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo