Senado, naglabas ng arrest warrant laban kay suspended Mayor Alice Guo at 7 iba pa

0
174

MAYNILA. Pinatawan ng contempt ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros ang suspendidong mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo matapos muling isnabin ang pagdinig ng komite tungkol sa mga krimen na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Tarlac.

Bukod kay Guo, pinatawan din ng contempt sina Nancy Gamo, Dennis Cunanan, Wenyi Lin, Seimen Guo, Juan Zhong Guo, Wesley Guo, at Shiela Guo.

Si Senator Sherwin Gatchalian ang naghain ng mosyon na patawan ng contempt ang mga nabanggit na indibidwal dahil sa patuloy na pag-isnab sa subpoena na ipinadala ng Senado.

Iginiit naman ni Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada kay Hontiveros na magpalabas ng warrant of arrest laban kay Guo para makadalo sa susunod na pagdinig. Ayon pa kay Estrada, dapat ang mga doktor ng Senado ang sumuri sa kalusugan ng alkalde.

Nauna rito, sumulat si Guo sa komite at kinumpirma na hindi siya makakadalo dahil sa isyu ng kanyang kalusugan at naapektuhan na umano ang kanyang mental health.

Inaasahang isusumite ni Hontiveros kay Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mga pangalan ng pinatawan ng contempt para sa pagpapalabas ng warrant of arrest.

“This committee is ordering the arrest of the persons cited in contempt to be submitted to the Senate President for his signature,” ani Hontiveros.

Harry Roque, inakusahan ng pag-‘lobby’ sa POGO

Sa bukod nabalita, sinabi ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) chief Alejandro Tengco na si dating Presidential Spokesperson Harry Roque ang lumapit sa kanyang tanggapan upang matulungan ang isang Cassandra Lee Ong, kaugnay sa dapat bayaran ng Lucky South 99, isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, sinabi ni Tengco na tumawag si Roque sa kanyang opisina noong Hulyo 2023 at nagtanong kung maaari siyang makipag-appointment sa PAGCOR.

Sa ika-apat na pagdinig ng komite, iniharap ni Tengco ang organizational chart at mga dokumentong isinumite ng Lucky South 99 para sa kanilang orihinal na aplikasyon ng lisensya, na nagtalaga kay Harry Roque bilang “legal head.”

Matatandaan na sinabi ni Tengco na papangalanan niya ang isang dating opisyal ng Gabinete sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nag-lobby umano para ma-renew ang lisensiya ng isang POGO.

Hiniling ni Roque sa PAGCOR na payagan ang Lucky South 99 na magbayad ng mga hindi pa nababayarang buwis ng installment, na tinatantya ni Tengco na hindi bababa sa $500,000. Sinabi umano ni Ong na naloko sila ng isang Dennis Cunanan, na nangolekta ng anim na buwang halaga ng buwis ngunit hindi ito ipinadala sa PAGCOR.

Nilinaw ni Tengco na sinamahan lamang ni Roque si Ong. “Hindi naman nya ako prine-pressure. Pero bilang abogado siguro, nag-facilitate at sinamahan nya ang kliyente niya. Sinamahan niya lang,” ani Tengco.

Matapos ang pulong, nakipag-ugnayan pa umano si Roque nang hindi bababa sa anim na beses hinggil sa status ng muling pag-a-apply ng lisensya ng Lucky South 99, na inihain noong Setyembre 2023.

Kaugnay nito, ipapatawag sa susunod na pagdinig ng komite sina Roque at dating PAGCOR chairman at CEO Andrea Domingo.

Sa pahayag na ipinadala ni Roque sa media, itinanggi nito na naging legal counsel siya ng kahit na anong illegal POGO.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.