Senate media binawalang pumasok sa gaganaping impeachment debate

0
353

MAYNILA. Nagkaroon ng kalituhan sa Senado kahapon matapos iulat na pagbabawalan ang media na pumasok sa session hall ngayong Miyerkules para sa impeachment debate kaugnay kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa isang staff ng Public Relations and Information Bureau (PRIB), hindi papayagang makapasok ang Senate media sa session hall dahil may mga monitor naman sa press office. Pinayuhan din ang mga mamamahayag na sumunod muna sa patakaran, at sinabing hindi rin papayagan ang mga cameramen dahil makakatanggap sila ng audio-video recording mula sa PRIB.

Dahil dito, tumayo si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa sesyon upang linawin ang kautusan. Inamin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa sinabi ng PRIB staff at nilinaw na dapat payagan ang media na makapasok at mag-cover ng sesyon.

“Given the importance of the debate tomorrow afternoon kaya ko po hiniling ang ganitong kalinawan na papayagan silang makapasok at makapag-cover sa sesyon bukas ng hapon, Mr. President,” pahayag ni Hontiveros.

Samantala, inutusan ng Korte Suprema si Vice President Sara Duterte at ilan sa kanyang mga abogado na sagutin ang apela ng Kamara laban sa desisyon nitong idineklarang unconstitutional ang impeachment case.

Binigyan sila ng 10 araw na non-extendible period upang magkomento sa motion for reconsideration ng House of Representatives, na humihiling na baligtarin ang desisyon ng SC at payagan ang Kamara na gampanan ang tungkulin nitong magsampa ng kaso laban sa isang impeachable official, at ang Senado na litisin ang kaso.

Nauna nang nagpasya ang SC na ang Articles of Impeachment laban kay Duterte ay labag sa one-year bar rule ng Article XI, Section 3(5) ng Konstitusyon, at idineklara nitong immediately executory ang desisyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.