Shuttle van sumalpok sa puno: 4 patay, 2 kritikal

0
302

Puerto Princesa City. Apat ang nasawi at da­lawa ang nasa kritikal na kalagayan matapos maaksidente ang sinasakyan nilang shuttle van sa south national highway sa Brgy. Sta. Lucia, sa lungsod na ito sa Pa­lawan kahapon ng umaga.

Kinikilala pa ng pulisya ang mga biktima.

Ayon sa salaysay ng driver ng shuttle na si Joe­zer Lontes, 39 anyos na residente ng Brgy. Quinlogan, Quezon, Palawan, patungo sila sa Puerto Princesa City nang mangyari ang aksidente.

Binabagtas nila ang  national highway sa Brgy. Sta. Lucia nang sa pakur­bang kalsada ay dumulas ang harapang bahagi ng sasakyan bandang 7:40 ng umaga.

Sinubukan ni Lontes na bawiin ang manibela ngunit  dumiretso na ang van sa gilid ng kalsada saka sumalpok sa isang puno.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga,nasawi ang apat sa kanyang pasahero habang kasalukuyang pang ginagamot sa ospital ang dalawang iba pa.

Napag alaman na 11 ang  sa­kay ng nasabing shuttle van nang maganap ang trahedya.

Nasa pangangalaga na ng pulisya ang driver ng van at nakatakdang humarap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and serious physical injury and damage to property.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.