MAYNILA. Sinimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang malawakang “internal cleansing” sa gitna ng mga alegasyon ng maanomalyang flood control projects.
Kabilang sa mga unang tinanggal sa puwesto nitong Biyernes ay si Bulacan First District Engineer Henry Alcantara at ilang opisyal ng kanilang district engineering office. Kasabay nito, naglabas din si DPWH Secretary Manuel Bonoan ng show-cause order laban sa kanila upang ipaliwanag ang umano’y ghost projects.
Pinalitan din sa puwesto si Isabelo Baleros, hepe ng Las Piñas Muntinlupa District Engineering Office, na inilipat sa DPWH Metro Manila 3rd District Engineering Office. Ayon sa memorandum na inilabas ni Bonoan, si Engineer Ruel Umali ang ipinalit kay Baleros. Lumalabas na si Baleros umano ay humiling na mailipat ang pondo para sa ilang proyekto ng Las Piñas sa regional office ng DPWH NCR nang hindi kinokonsulta ang lokal na pamahalaan at iba pang kaukulang tanggapan.
Kabilang sa sentro ng kontrobersiya ang P140-milyong C5 Diversion Road project sa Barangay Manuyo Dos, ang pinakamalaking alokasyon mula sa P450.5-milyong pondo ng Las Piñas ngayong taon.
Binigyang-diin ni Bonoan na pananagutin ang mga opisyal at kawani ng DPWH na mapapatunayang responsable sa substandard o ghost projects at tiniyak niyang kakasuhan ang mga sangkot.
Batay sa imbestigasyon, ilang opisyal ng gobyerno umano ang konektado sa mga kontratista. Lumabas na ang campaign donor ni Senate President Chiz Escudero na si Lawrence Lubiano ay nakakuha umano ng P5.16 bilyon sa mga flood control projects, habang ang pamilya ni Congressman Edwin Gardiola ay nakinabang umano ng P16 bilyon sa mga proyektong pang-imprastraktura mula 2023.
“I think we have to cleanse the organization if needed,” pahayag ni Bonoan sa panayam.
Kasabay ng eskandalo, ilang senador at grupo ang nananawagan ng pagbibitiw sa kalihim matapos nitong aminin na mayroong ghost projects sa panahon ng kanyang panunungkulan. Ayon kay Bonoan, maaaring may panlabas na puwersa at panggigipit na nakaapekto sa sitwasyon.
Sinabi rin ni Bonoan na suportado niya ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan ang isyu, tukuyin ang mga sangkot, magsampa ng kaso at magpatupad ng mga reporma sa bidding process upang maiwasan ang katiwalian.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





