MAYNILA. Pitong lugar sa Luzon ang nananatiling nasa ilalim ng Signal No. 1 habang patuloy na kumikilos ang Tropical Depression Mirasol sa karagatang kanluran ng matinding Hilagang Luzon, ayon sa 5 a.m. cyclone bulletin ng PAGASA ngayong Huwebes.
Kabilang sa mga lugar na apektado ng malalakas na hangin at pag-ulan ay ang:
- Batanes
- Babuyan Islands
- Kanlurang bahagi ng mainland Cagayan (Santo Niño, Camalaniugan, Pamplona, Rizal, Claveria, Lasam, Aparri, Ballesteros, Abulug, Allacapan, Sanchez-Mira, Santa Praxedes)
- Apayao
- Hilagang bahagi ng Abra (Pidigan, San Juan, Tayum, Langiden, Lagangilang, Danglas, La Paz, Licuan-Baay, Tineg, Malibcong, Peñarrubia, San Isidro, San Quintin, Dolores, Lagayan, Bangued, Bucay, Lacub, Sallapadan)
- Ilocos Norte
- Hilagang bahagi ng Ilocos Sur (Sinait, Cabugao, San Juan, Magsingal, Santo Domingo, Bantay, San Vicente, San Ildefonso, Santa Catalina, City of Vigan, Caoayan, Santa, Nagbukel, Narvacan)
Huling namataan ang sentro ng bagyong Mirasol sa layong 165 kilometro kanluran ng Calayan, Cagayan. May dala itong pinakamalakas na hanging umaabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hangin hanggang 70 kilometro kada oras. Inaasahang tutuloy ito sa direksiyong hilagang-kanluran at lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Huwebes ng umaga o hapon.
Samantala, iniulat ng PAGASA na isa pang sama ng panahon, ang Tropical Depression Nando, ay nasa layong 1,225 kilometro silangan ng Southeastern Luzon. Kumikilos ito pa-hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras, may lakas ng hangin na 55 kilometro kada oras at bugso hanggang 70 kilometro kada oras. Ayon sa PAGASA, “Nando is less likely to directly affect the weather in the next 48 hours. Onset of heavy rains due to the Southwest Monsoon and Nando is possible by Sunday or Monday.”
Ngayong Huwebes, makararanas ng ulan na may kasamang malalakas na hangin ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, Apayao at Babuyan Islands dahil sa Mirasol.
Maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang mararanasan sa natitirang bahagi ng Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, gayundin sa Zambales at Bataan.
Ang MIMAROPA at Western Visayas ay maaapektuhan ng habagat at makararanas din ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan ang iiral na may posibilidad ng pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil pa rin sa Southwest Monsoon.
Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na papawirin na may pulo-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng localized thunderstorms.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





