Signal No. 2 itinaas sa 17 lugar habang nanatiling malakas si Ramil

0
287

MAYNILA — Itinaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa 17 lugar nitong Linggo ng umaga habang nananatiling malakas ang Tropical Storm Ramil (international name: Fengshen) sa karagatang sakop ng Alabat, Quezon.

Ayon sa PAGASA, alas kuwatro ng umaga kanina, ang sentro ni Ramil ay namataan sa karagatang sakop ng Alabat, Quezon. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 km/h malapit sa sentro, bugso hanggang 90 km/h, at central pressure na 998 hPa. Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 km/h, at ang malalakas hanggang sa hanging may lakas ng bagyo ay umaabot ng hanggang 430 km mula sa gitna.

Mga Lugar sa Ilalim ng Signal No. 2:

  • Timog-silangang bahagi ng Quirino (Nagtipunan, Maddela, Aglipay)
  • Gitna at timog na bahagi ng Nueva Vizcaya (Alfonso Castañeda, Dupax del Sur, Dupax del Norte, Bambang, Aritao, Kayapa, Santa Fe, Kasibu)
  • Gitna at timog na bahagi ng Benguet (Itogon, Bokod, Atok, Kapangan, Tublay, La Trinidad, Baguio City, Tuba, Sablan)
  • Gitna at timog na bahagi ng La Union (Rosario, Pugo, Tubao, Santo Tomas, Agoo, Aringay, Caba, Naguilian, Burgos, Bagulin, Bauang, San Fernando City, San Juan, San Gabriel, Bacnotan, Santol, Balaoan, Luna)
  • Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, Pampanga
  • Hilaga at gitnang bahagi ng Zambales (Santa Cruz, Candelaria, Masinloc, Palauig, Iba, Botolan, Cabangan)
  • Hilagang bahagi ng Metro Manila (Caloocan, Quezon City, Valenzuela, Marikina, Malabon, Navotas)
  • Hilaga at gitnang bahagi ng Rizal (Rodriguez, San Mateo, Antipolo, Tanay, Baras)
  • Hilagang bahagi ng Laguna (Santa Maria, Famy, Siniloan)
  • Hilaga at silangang bahagi ng Quezon (kasama ang Polillo Islands)
  • Camarines Norte, at hilagang-kanlurang bahagi ng Camarines Sur (Del Gallego, Ragay, Lupi, Sipocot)

Inaasahang makakaranas ang mga lugar na ito ng gale-force winds na aabot sa 62–88 km/h sa loob ng 24 oras, na maaaring magdulot ng bahagya hanggang katamtamang pinsala sa buhay at ari-arian.

Mga Lugar sa Ilalim ng Signal No. 1

Nananatili naman sa ilalim ng TCWS No. 1 ang mga lalawigan ng Cagayan (kasama ang Babuyan Islands), Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Region, Metro Manila, Cavite, Batangas, mga lalawigan ng Mindoro, Marinduque, Romblon, bahagi ng Bicol Region, at ilang bahagi ng Eastern at Western Visayas.
Ang mga lugar na ito ay maaaring makaranas ng malalakas na hangin na may bilis na 39–61 km/h sa loob ng 36 oras, na posibleng magdulot ng minimal hanggang bahagyang pinsala.

Ayon sa PAGASA, maaaring umabot sa 100–200 mm ng ulan sa Camarines Norte, Romblon, Marinduque, Oriental at Occidental Mindoro, Quezon, Batangas, Aurora, Quirino, Nueva Vizcaya, Aklan, at Antique.
Samantala, 50–100 mm ng ulan ang maaaring maranasan sa Cagayan, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Isabela, Ilocos Region, Cordillera, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, Western Visayas, at Palawan.

Ang easterlies at ang trough o outer rainbands ni Ramil ay magdudulot ng malalakas hanggang sa gale-force gusts sa Cagayan Valley, Oriental Mindoro, Masbate, Caluya Islands, Samar, Eastern Samar, at Biliran, partikular sa mga baybaying lugar at kabundukang nakaharap sa hangin.

Nagbabala rin ang PAGASA ng minimal hanggang katamtamang panganib ng storm surge na maaaring umabot sa 2.0 metro sa mga baybaying bahagi ng Isabela, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Aurora, Quezon, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, at Masbate.

Nakataas ang gale warning sa silangan at kanlurang baybayin ng Luzon kung saan maaaring umabot sa 4.5 metro ang taas ng alon.
“Sea travel is risky for all types or tonnage of vessels. All mariners must remain in port or, if underway, seek shelter or safe harbor as soon as possible until winds and waves subside,” ayon sa PAGASA.

Inaasahan din ang maalon hanggang sa napaka- alon na karagatan sa mga baybayin ng Camarines Sur, Catanduanes, Quezon, Cagayan, at ilang bahagi ng Ilocos at Bicol Region. Pinapayuhan ang mga maliliit na sasakyang pandagat at motorbanca na huwag munang pumalaot.

“Heavy rainfall, severe winds, and storm surge may still be experienced in localities outside the landfall point and the forecast confidence cone,” babala ng PAGASA.

Inaasahang tatawirin ni Ramil ang Southern–Central Luzon landmass matapos itong mag-landfall sa Quezon ngayong Linggo ng umaga, at lalabas sa coastal waters ng Pangasinan o Zambales ngayong hapon o gabi.

Patuloy itong kikilos pa-hilagang-kanluran at inaasahang lalabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes ng umaga o tanghali.

Ang susunod na tropical cyclone bulletin ay ilalabas ng PAGASA alas-8 ng umaga.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo