Signal No. 2, itinaas sa anim na lugar habang lumalakas si Opong

0
6253

MAYNILA — Patuloy na lumalakas ang Severe Tropical Storm Opong habang kumikilos ito pakanluran hilagang-kanluran sa Philippine Sea, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes.

Sa 5 a.m. cyclone bulletin, sinabi ng PAGASA na si Opong ay magdadala ng malalakas na pag-ulan at matitinding hangin sa mga apektadong lugar.

Matatagpuan ang sentro ng mata ng bagyo sa layong 440 kilometro silangan ng Guiuan, Eastern Samar. Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 km/h, taglay ang maximum sustained winds na 110 km/h malapit sa gitna at pagbugsong hangin na aabot sa 135 km/h.

Itinaas ang Signal No. 2 sa mga sumusunod na lugar:

Luzon

  • Catanduanes
  • Katimugang bahagi ng Albay (Santo Domingo, Legazpi City, Camalig, Rapu-Rapu, Bacacay, Daraga, Jovellar, Manito)
  • Sorsogon

Visayas

  • Northern Samar
  • Hilagang at gitnang bahagi ng Eastern Samar (Can-Avid, Maslog, San Policarpo, Taft, Dolores, Jipapad, Oras, Arteche, Sulat, San Julian)
  • Hilagang at gitnang bahagi ng Samar (San Jorge, San Sebastian, Villareal, Zumarraga, Matuguinao, Pinabacdao, Almagro, Calbayog City, Talalora, Jiabong, Pagsanghan, Catbalogan City, Gandara, Motiong, Santo Niño, Tagapul-An, San Jose de Buan, Santa Margarita, Tarangnan, Calbiga, Daram, Paranas, Hinabangan)

Signal No. 1

Samantala, kabilang sa nasa Signal No. 1 ang natitirang bahagi ng Albay, Masbate (kasama ang Ticao at Burias Islands), Camarines Sur, Camarines Norte, Marinduque, Romblon, Oriental at Occidental Mindoro (kasama ang Lubang Islands), Quezon (kasama ang Polillo Islands), Rizal, Laguna, Batangas, Cavite, Aurora, Metro Manila, at iba pang bahagi ng Luzon kabilang ang Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Ifugao, Mountain Province, Benguet, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.

Sa Visayas, nakataas din ang Signal No. 1 sa natitirang bahagi ng Eastern Samar at Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, hilagang bahagi ng Cebu (kasama ang Camotes at Bantayan Islands), hilagang bahagi ng Negros Occidental, hilagang bahagi ng Iloilo, Capiz, Aklan, at hilagang at gitnang bahagi ng Antique (kasama ang Caluya Islands at Calamian Islands).

Sa Mindanao, kabilang ang Siargao Island, Bucas Grande Island at Dinagat Island.

Posibleng landfall

Ayon sa PAGASA, posibleng mag-landfall si Opong sa Bicol Region sa hapon o gabi ng Biyernes, Setyembre 26, at tatawid sa Southern Luzon. Pagkatapos nito, tutuloy ang bagyo pa-kanluran hilagang-kanluran sa West Philippine Sea at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado, Setyembre 27.

“On the forecast track, Opong may make landfall over Bicol Region by tomorrow, 26 September, afternoon or evening and cross Southern Luzon throughout Friday. Afterwards, it will continue moving generally west northwestward over the West Philippine Sea and exit the Philippine Area of Responsibility on Saturday, 27 September, afternoon or evening,” ayon sa PAGASA.

Dagdag pa ng ahensya, posibleng maging typhoon si Opong bago ang landfall at bahagyang hihina habang tumatawid ng kalupaan, subalit mananatiling typhoon o severe tropical storm. “Re-intensification is highly likely once Opong emerges over the West Philippine Sea,” sabi ng PAGASA.

Babala ng PAGASA

Inaasahang makakaranas ng stormy weather conditions ngayong Huwebes ang Catanduanes, Sorsogon, Eastern Samar, Northern Samar at Samar. Nagbabala ang PAGASA ng posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan, gayundin ng banta sa buhay at ari-arian dahil sa malalakas na hangin.

Makakaranas din ng pag-ulan na may kasamang malalakas na bugso ng hangin ang natitirang bahagi ng Bicol Region, Quezon kabilang ang Polillo Islands, Rizal, Laguna, Batangas, Marinduque, Oriental Mindoro, Romblon, Aklan, Capiz, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Dinagat Islands at Surigao del Norte.

Magdudulot din si Opong ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at thunderstorms sa Central Visayas, Isabela, Aurora at natitirang bahagi ng Caraga.

Samantala, magdadala ang Southwest Monsoon ng paminsang pag-ulan sa Zambales, Bataan at Occidental Mindoro.

Asahan din ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at thunderstorms sa Metro Manila, natitirang bahagi ng Western Visayas, Negros Island Region, natitirang bahagi ng Central Luzon, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Palawan at Cavite.

Ang iba pang bahagi ng Luzon at Mindanao ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulupot na ulan o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms at Southwest Monsoon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.