Signal No. 4, itinaas sa El Nido at hilagang Palawan habang nagla-landfall si Tino sa Batas Island

0
344

MAYNILA – Nanatiling malakas ang Bagyong Tino (Kalmaegi) habang patuloy nitong tinatamaan ang hilagang bahagi ng Palawan matapos itong mag-landfall sa Batas Island sa bayan ng Taytay, ayon sa ulat ng PAGASA nitong Miyerkules ng umaga.

Sa 5 a.m. bulletin ng ahensya, itinaas ang Signal No. 4 sa pinakahilagang bahagi ng Palawan, kabilang ang El Nido, Taytay, at Araceli, gayundin sa Calamian Islands. Ayon sa PAGASA, “a very intense typhoon will affect the locality,” kung saan inaasahan ang hanging higit sa 118 kilometro kada oras hanggang 184 kilometro kada oras sa loob ng labindalawang oras.

Signal No. 3 naman ang nakataas sa hilagang bahagi ng Palawan, kabilang ang Dumaran, San Vicente, at Roxas, pati na rin ang Cuyo Islands.

Samantala, nasa ilalim ng Signal No. 2 ang mga sumusunod na lugar: timog bahagi ng Occidental Mindoro (Magsaysay, San Jose, Rizal, Calintaan), timog bahagi ng Oriental Mindoro (Bulalacao), at gitnang bahagi ng Palawan (Puerto Princesa City) kabilang ang Cagayancillo Islands, gayundin ang Caluya Islands sa Visayas.

Signal No. 1 naman ang nakataas sa nalalabing bahagi ng Occidental at Oriental Mindoro, ang kanlurang bahagi ng Romblon (Santa Fe, Santa Maria, Concepcion, Looc, Alcantara, Odiongan, San Jose, Ferrol, San Andres, Calatrava, Corcuera, San Agustin) at sa timog bahagi ng Palawan (Aborlan, Quezon, Narra, Sofronio Española) kabilang ang Kalayaan Islands.

Sa Visayas, kabilang sa mga nasa ilalim ng Signal No. 1 ang Aklan, nalalabing bahagi ng Antique, gitna at kanlurang bahagi ng Capiz (Sapi-an, Tapaz, Ivisan, Cuartero, Dumalag, Sigma, Dao, Mambusao, Jamindan, Dumarao), gitna at timog bahagi ng Iloilo (Calinog, New Lucena, Maasin, Oton, Pavia, Dueñas, Barotac Nuevo, Guimbal, Iloilo City, Tigbauan, Anilao, San Miguel, Leon, Mina, Santa Barbara, Leganes, Dingle, Zarraga, Bingawan, Cabatuan, Alimodian, Dumangas, San Joaquin, San Enrique, Badiangan, Passi City, Pototan, Lambunao, Tubungan, Igbaras, Janiuay, Miagao) at ang Guimaras.

Ayon sa pinakahuling datos ng PAGASA, namataan ang sentro ng bagyo sa coastal waters ng Linapacan, Palawan. Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras, taglay ang maximum sustained winds na 120 kilometro kada oras at gustiness na umaabot sa 150 kilometro kada oras.

Nagbabala ang PAGASA na maaring maranasan pa rin ang malalakas na ulan, matitinding hangin, at storm surge sa mga lugar na nasa labas ng mismong landfall area at forecast confidence cone.

Batay sa forecast track, inaasahang tatawid pa si Tino sa hilagang bahagi ng Palawan ngayong Miyerkules ng umaga bago ito lumabas sa West Philippine Sea. Posible itong tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa pagitan ng Miyerkules ng gabi at Huwebes ng madaling-araw.

Inaasahan ding muling lalakas ang bagyo sa susunod na 12 oras at maaabot ang peak intensity nito habang nasa ibabaw ng West Philippine Sea.


Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo