23rd Sikhayan Festival: Ipinagdiwang ng Santa Rosa ang pagsusumikap at pagkakaisa

0
1353

Santa Rosa City. Laguna. Tinanghal na kampeyon ang Brgy. Tagapo sa kompetisyon ng  Sikhayan (Sikap Kabuhayan) an annual festival ngayong taon. Nakuha naman ng Brgy. Malitlit ang unang puwesto, pumangalawa ang Brgy. Labas, pumangatlo ang Brgy. Kanluran at pang apat ang Brgy. Pulong Sta. Cruz. 

Nakuha rin ng Barangay Tagapo ang espesyal na parangal sa Best in Costume, habang nagwagi naman ang Barangay Don Jose bilang Reyna ng Sikhayan.

Ang Sikhayan 2022 ay idinaos kasabay ng ika-230 taon ng pagkakatatag ng Santa Rosa at ng kaarawan ni yumaong Mayor Leon Arcillas, ang Ama ng Sikhayan at ng Santa Rosa.

Bagama’t ginanap ito ng lampas ng isang buwan kaysa sa orihinal nitong petsa dahil sa mga paghihigpit sa pandemya, ang taunang pagdiriwang ay isinagawa kahapon Pebrero 20, 2022 at naka-live stream sa Sikhayan Festival Facebook Page at sa Royal Cable Channel 6.

Sa temang “Pamilyang Santa Rosa Nagkakaisa sa Himig ng Pag-asa,” sinabi ni Sta. Rosa Mayor Arlene Arcillas na umaasa siya sa patuloy na suporta ng mamamayan tungo sa ibayong pag unlad ng pamilyang Sta. Rosa.

“Sikhayan is not just a tradition. It is a testament that here in the City of Santa Rosa, everything continues the new normal way,” ayon kay Arcillas sa kanyang mensahe sa pagbubukas ng ika-23 Sikhayan Festival.

Binigyang diin niya na ang nabanggit na pagdiriwang ay hindi lamang isang pagdiriwang kundi isang paraan ng pagpapakita sa lahat na sa bagaman at gitna ng pandemya, ang Santa Rosa ay patuloy na naghahatid ng mga programa at serbisyo at patuloy itong umuunlad.

Tampok ng pagdiriwang ay ang pinakahihintay na street dance competition na nilahukan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang barangay.

Samantala, tiniyak din ng pamahalaang lungsod dito na mahigpit na ipinasunod ang mga alituntunin ng Inter-Agency Task Force. Ang lahat ng mga kalahok at mga bisita sa kaganapan ay mga fully vaccinated at ang social distancing at pagsusuot ng face mask ay ipinairal, ayon sa report.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.