Sinampahan ng kasong kriminal ang pitong suspek sa Taal kidnap murder case

0
339

Batangas City, Batangas. Sinampahan na ng mga kasong kriminal ang pitong suspek sa insidente  ng kidnapping ng isang lalaki na sapilitang kinuha sa Taal at natagpuan bangkay sa Sariaya, Quezon.

Sinabi ni Lt. Col Jezreel Calderon, Deputy Provincial Director for Operation, na ang kasong kidnapping with homicide ay isinampa kahapon ng umaga sa Batangas Prosecutor Office, laban sa isa sa mga kidnapper na kinilalang sina Jefferson Sanchez at anim pang John Does.

Positibong kinilala si Sanchez ng isang saksi bilang isa sa pitong hindi pa nakikilalang armadong lalaki ang sapilitang kumuha sa biktima na si Eugene Del Rosario, 25 anyos, sa isang gasolinahan sa Taal, Batangas, ayon sa ulat.

Ang bangkay ni del Rosario ay nakita ng isang dumaan sa kahabaan ng Eco-Tourism Road sa Sitio Pontor sa Barangay Bignay 2 sa Sariaya, Quezon kinabukasan.

Namukhaan ng task force si Sanchez sa tulong ng closed circuit television (CCTV) footage na nakalagay sa may gas station na pinanood ng pamilya ng biktima at ng kanyang live-in partner na si Jane Cabello.

Ayon kay Calderon, tinitingnan ng mga imbestigador ang ‘double-cross at rivalry sa loob ng kanilang grupo hinggil sa kanilang mga loots’ bilang motibo sa pagpatay kay Del Rosario.

Isiniwalat ng Task force na si Del Rosario ay miyembro ng Bukas Kotse gang na nag-ooperate sa National Capital Region batay sa salaysay ng pamilya ng biktima at ng kanyang kinakasama.

Ang biktima, na natatakpan ng packing tape ang mukha, ay nagtamo ng maraming tama ng bala at saksak. Ayon sa pahayag ng live in partner ni Del Rosari, kinuha ang biktima matapos bumaba sa isang pampasaherong bus sa harap ng isang gasolinahan bandang alas otso ng gabi.

Nakita sa footage ng closed-circuit television camera ang biktima na kinakaladkad ng mga suspek na dumating sakay ng dalawang sasakyan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.