MAYNILA. Inanunsyo ng Malacañang nitong Sabado ang ilang opisyal na itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang bahagi ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), na mag-iimbestiga sa mga iregularidad sa flood control projects ng pamahalaan.
Ayon kay Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, kabilang sa mga kasapi ng komisyon si dating Public Works secretary Rogelio “Babes” Singson at si Rossana Fajardo, country managing partner ng auditing firm na SGV and Company.
Itinalaga naman si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser at investigator ng ICI, ngunit hindi kabilang bilang miyembro ng tatlong-kataong komisyon.
Hindi pa inanunsyo ang magiging chairperson ng komisyon. Ayon kay Castro, si Marcos mismo ang magtatalaga rito sa mga darating na araw.
“To lead this task, the President has appointed individuals of proven competence, integrity, and deep familiarity with infrastructure, finance and institutional reform,” ani Castro.
Binigyang-diin niya ang malawak na karanasan ni Singson sa pagpapatupad ng malalaking proyekto ng pamahalaan, gayundin ang expertise ni Fajardo bilang Certified Public Accountant na may higit tatlong dekada sa auditing, internal controls, at risk management.
Tungkol naman kay Magalong, sinabi ni Castro na napatunayan na nito ang kakayahan sa paghawak ng sensitibong imbestigasyon at pagpapatupad ng transparency at accountability sa lokal na pamahalaan.
Batay sa Executive Order No. 94 ni Marcos, inaatasan ang ICI na mag-imbestiga at magsuri ng ebidensya laban sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan, pati na rin sa ibang indibidwal, na may kinalaman sa mga anomalya, iregularidad, at maling paggamit ng pondo sa flood control at iba pang proyektong pang-imprastruktura sa buong bansa.
Ayon kay Castro, boluntaryo ang pagtanggap ng mga naitalagang opisyal. “Boluntaryo ang pagtanggap nila sa tungkulin na ito. Hindi sila hinihirang para ipagtanggol ang sistema kung hindi para harapin ito,” aniya.
Si Singson ay nagsilbing kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula Hulyo 2010 hanggang Hunyo 2016 sa ilalim ng administrasyong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III. Nitong Agosto, inamin niyang inalok siyang muling pamunuan ang DPWH sa kabila ng mga kinahaharap na isyu noon ng incumbent secretary na si Manuel Bonoan.
Samantala, si Fajardo ay mula sa pribadong sektor at kamakailan lamang, nitong Hulyo 1, ay itinalaga bilang country managing partner ng SGV, kung saan pinamumunuan niya ang mga inisyatiba para sa sustainable growth ng kumpanya.
Giit ni Marcos, walang politiko ang magiging kasapi ng komisyon. Ipinaliwanag ni Castro na bagama’t si Magalong ay isang halal na opisyal, adviser lamang ang kanyang papel.
Tungkol naman sa timetable ng imbestigasyon, sinabi ni Castro na wala pang tiyak na panahon ngunit target na matapos ito sa loob ng ilang buwan. “Mas mainam po matapos po ito sa loob lamang ng ilang buwan,” aniya.
Ayon sa EO, uunahin ng komisyon ang pagbusisi sa mga flood control at iba pang proyekto sa nakalipas na sampung taon mula nang maging epektibo ang kautusan.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






