MAYNILA – Naglabas ng anim na buwang preventive suspension ang Office of the Ombudsman laban sa 12 opisyal ng Department of Public Works and Highways sa Mimaropa dahil sa umano’y iregularidad sa P289 milyon na flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Kinumpirma ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na nilagdaan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang suspension order noong Oktubre 23. Saklaw nito ang mga opisyal ng DPWH at mga miyembro ng Bids and Awards Committee ng rehiyon.
Kabilang sa sinuspinde ay sina Gerald Pacanan, regional director, Gene Ryan Altea, assistant regional director, Ruben D. S. Santos, assistant regional director, Montrexis Tamayo, OIC chief ng Planning and Design Division, Dominic Serrano, construction division chief at BAC chairperson, Dennis Abagon, OIC chief ng Quality Assurance and Hydrology Division at BAC member, Juliet Calvo, Maintenance Division chief, Lerma Cayco, accountant IV, Felisardo Casuno, project engineer III, Grace Lopez, BAC member, Frierich Karl Camero, legal division chief, at Timojen Sacar, materials engineer.
Ayon kay Clavano, ang preventive suspension ay bahagi ng kasong administratibo na isinampa kasabay ng kasong kriminal laban sa mga opisyal. Ito ay kaugnay ng umano’y paglabag sa Sections 4(a), 7(a) at (b) ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, batay sa rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure.
Nauna nang nagpahayag ng not guilty sina Pacanan, Altea, Santos, Tamayo, Serrano, Abagon, Calvo, Cayco at Casuno sa kasong malversation na inihain kaugnay ng umano’y substandard na flood control project. Naganap ang kanilang arraignment noong Martes sa Sandiganbayan Sixth Division.
Iginiit naman ng Lim and Yutatco Sze Law Firm na kumakatawan sa ilang opisyal na ang naturang flood control project ay nananatiling serviceable.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






