MAYNILA — Tiniyak ng Malacañang na masusing sinusuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng kanyang economic team ang niratipikahang P6.793-trilyon national budget para sa fiscal year 2026, ayon kay Executive Secretary Ralph Recto nitong Martes.
Ayon kay Recto, natanggap ng Executive Branch noong Disyembre 29, 2025 ang niratipikahang 2026 General Appropriations Act (GAA) at kasalukuyang isinasailalim ito sa masusing pagrepaso.
“The Executive Branch received on December 29, 2025 the ratified 2026 General Appropriations Act (GAA) and is now conducting a thorough review to ensure its integrity and effective execution,” pahayag ni Recto.
Dagdag pa niya, sinusuri ng Pangulo at ng kanyang koponan ang lahat ng alokasyon at probisyon upang matiyak ang mga pagbabagong ginawa kumpara sa orihinal na National Expenditure Program (NEP).
“The President and his team are scrutinizing all allocations and provisions to fully account for any changes from the originally submitted National Expenditure Program (NEP),” ani Recto.
Tiniyak din ng Executive Branch na ang 2026 GAA ay tutugon hindi lamang sa mga legal at technical requirements kundi, higit sa lahat, sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino.
Ayon kay Recto, aabutin ng humigit-kumulang isang linggo ang masusing pagrerepaso sa niratipikahang pambansang badyet. Pinaalalahanan din niya ang publiko na hindi maaantala ang operasyon ng pamahalaan sakaling pansamantalang mapailalim ito sa reenacted budget.
“The public is assured that a brief period under a reenacted budget will not disrupt government operations. This deliberate review safeguards fiscal discipline and ensures that taxpayers’ hard-earned money is spent wisely and translated into benefits for the Filipino people,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Recto sa GMA News Online na inaasahang lalagdaan ni Pangulong Marcos ang panukalang batas para sa 2026 national budget sa unang linggo ng Enero.
Noong Lunes, pormal na niratipikahan ng House of Representatives at Senate ang bicameral conference committee (bicam) report na naglalaman ng P6.793-trilyong pambansang badyet para sa 2026.
Sa Kamara, mabilis na inaprubahan sa pamamagitan ng voice vote ang ratipikasyon ng bicam report sa isang plenary session na tumagal ng wala pang dalawang minuto. Si Iloilo Rep. Lorenz Defensor ang nagmosyon para sa ratipikasyon, na sinuportahan ng kanyang mga kasamahan sa sesyong pinangunahan ni House Deputy Speaker Kristine Singson Meehan.
Sa Senado naman, si Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ang nagmosyon para sa pag-apruba at ratipikasyon ng bicam report kaugnay ng mga hindi napagkasunduang probisyon ng House Bill No. 4058 o General Appropriations Bill (GAB), matapos ilahad ni Senate Committee on Finance chairman Sherwin Gatchalian ang mahahalagang punto ng panukala. Inaprubahan ang mosyon ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Samantala, sinabi ni House Appropriations Committee chairperson at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing na ang panukalang 2026 national budget ay nakatuon sa pangangailangan ng mamamayan at hindi nagpopondo ng flood control projects, maliban sa dalawang proyekto na pinondohan sa pamamagitan ng foreign loans at iba pang multilateral partners.
Batay sa niratipikahang bicam panel report, ibinaba ang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula P880 bilyon tungo sa P529 bilyon, kasunod ng patuloy na imbestigasyon sa mga umano’y anomalous flood control projects at kickback schemes.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





