Solid waste management act, environment code, tinututukan sa Batangas City

0
697

Batangas City. Humigit kumulang na 1,500 na mga barangay officials at miyembro ng Barangay Solid Waste Management Committee sa lungsod na ito ang nakibahagi sa isinagawang Barangay Ecological Solid Waste Management Committee Assembly kamakailan.

Tampok sa nasabing pagtitipon ang mga usaping pangkalikasan gaya ng pagpapatupad ng Republic Act 9003 o Solid Waste Management Act of 2000 at iba pang polisiya ng pamahalaang lungsod kabilang ang makakalikasang pangangasiwa ng basura alinsunod sa Batangas City Environment Code.

Ayon sa pamahalaang lungsod, malaki ang maitutulong ng pagbibigay pansin sa solid waste management upang matugunan at mabawasan ang problema sa climate change na nagdudulot ng mga kalamidad.

Sa nasabing pagtitipon, binigyang diin ni Romiseth Perez mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mahalagang gampanin ng barangay sa pamamahala ng basura.

Dapat ay isasagawa sa barangay ang  paghihiwalay at koleksyon ng solid waste lalo na para sa biodegradable, compostable at reusable wastes, ayon kay Perez.

Ibinahagi naman ni Mylene Follero ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga paraan kung paano palalakasin muli ang solid waste management council na tutugon sa problema sa basura.

Matatandaang isa sa mga stratehiyang isinasagawa ng lokal na pamahalaan kaugnay nito ay ang information and education campaign ng grupong Katuwang ng Barangay, Responsable Aktibo, Disiplinado (KABRAD) sa mga barangay na nagsimula pa noong 2018.

Ang naturang assembly ay pinangasiwaan ng City Solid Waste Management Board (CSWMB).

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo