Solons: Personal agenda nasa likod ng ‘bribed initiatives’

0
126

Personal na interes ang diumano ay nagtutulak sa ilalim ng mga “people’s initiatives” o tinatawag na “bribed initiatives” na nangangalap ng lagda mula sa bawat barangay, na may kapalit na halagang P100 bilang ayuda mula sa local government units (LGUs), ayon sa ilang senador.

Sa magkakahiwalay na pahayag, iginiit nina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senador Sherwin Gatchalian ang kanilang pagkadismaya sa paraan ng pangangalap ng lagda.

Para kay Villanueva, hindi dapat gamitin ng sino man ang charter change para sa sariling interes at hindi ito dapat maging paraan ng pananakot sa mamamayan. Ayon sa kanya, ang tunay na layunin ng ilang nagtatangkang burahin ang Senado ay para kontrolin ang kapangyarihan sa ilalim ng iisang Kongreso. Dagdag pa niya, layunin din ng ilan na palawigin ang kanilang mga termino.

Hindi solusyon ang charter change sa mga problemang kinahaharap ng bansa, ayon kay Villanueva.

Bukod sa mga ulat ng pagbili ng lagda at viral na video ng paggamit ng ayuda para sa pirma, lumabas din ang isang television advertisement na nagtatangkang itulak ang Charter Change.

Sa panig ni Gatchalian, politikal ang ipinamamarali ng naturang ad na nagsasabing nabigo ang 1987 Constitution. Ayon sa kanya, ang paglalagay ng pera ay nangangahulugang may ilang tao na nagtutulak ng kanilang sariling interes. Ito, aniya, ay hindi maganda at maaaring baluktutin ang tunay na layunin ng pagsusulong ng Charter Change at people’s initiative.

“If you put in money, that means that certain people are pushing for their agenda. And that’s not good. That will tilt the very essence of amending our Constitution and people’s initiative,” ayon kay Gatchalian.

Aas makakabuti na nakatuon ang reporma sa tiyak na probisyon na nangangailangan ng pagbabago, hindi sa kabuuang Saligang Batas, dagdag pa niya.

Sa ilalim ng people’s initiative, kinakailangan ang suporta ng 12 porsiyento ng rehistradong botante at tatlong porsiyento mula sa bawat distrito ng kongreso. Kinakailangan ding suriin, i-verify, at patunayan ng Commission on Elections ang mga lagda bago isagawa ang plebisito para sa ratipikasyon ng amendment.

Unang ibinunyag ni Albay Rep. Edcel Lagman na may mga alkalde sa ilang lalawigan ang nag-aalok ng tulong kapalit ng lagda na nagkakahalaga ng P100 bawat botante. Sa Nueva Ecija, nagreklamo naman ang ilang barangay chairman at kagawad sa pamamahagi ng signature forms na kinakailangang makakuha ng 1,000 lagda bawat barangay sa palitan ng tulong mula sa LGUs.

Kinondena ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang mga tinawag na “bribed initiatives,” at ayon sa kanya ay suhol lamang ito at hindi ayuda at hindi makatarungan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.