Spaghetti Gang huli sa akto sa Cavite

0
202

Dasmariñas City, Cavite. Arestado ang limang miyembro ng tinaguriang “Spaghetti Gang” na naaktuhang nagpuputol ng mga kable ng isang kilalang telephone company sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Brgy. Sampaloc-2, sa lungsod na ito, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina alyas Enico, Charvim, Kenneth, Denmark at Mark; pawang mga residente ng Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ng pulisya, 12:30 ng madaling araw nang aktwal na mahuli ng mga rouving guard ng PLDT company ang mga suspek na pinuputol ang mga cable wire sa kahabaan ng nasabing highway.

Napag-alaman na madalas mawalan ng connection ang ilang mga consumers ng PLDT sa lungsod ng Dasmariñas at karatig lugar at nadidiskubre na lamang na wala na ang mga cable nito kung kaya nagsagawa ng roving operation ang mga tauhan ng PLDT at dito nga naaktuhan ang mga suspek.

Bukod sa mga telephone wire, ninanakaw din ng mga suspek ang mga kable ng iba pang telecommunications company na kanilang mahahagip.

Sa nasabing operation, narekober ng awtoridad sa mga suspek ang bulto-bultong putol na cable wire na aabot sa mahigit kumulang sa P100,000 at isang L300 van na may plate number NGQ2468 na ginagamit ng mga suspek sa kanilang illegal na operasyon.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.